top of page
Search
  • Mylene Alfonso​

Ex-Sen. Bongbong, positive sa COVID-19


“Gumaganda na ang kondisyong pangkalusugan ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. makaraang ihayag sa resulta ng clinical test na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na siya’y positibo sa COVID-19.”

Ito ang pahayag ng spokesman ng dating senador na si Atty. Victor Rodriguez.

Ayon kay Atty. Rodriguez, isa lang si BBM sa mahigit libong Filipino na nakikipaglaban sa mapanganib na virus at kasalukuyan ay nilalapatan ng lunas sa isang ‘isolation area’.

“Pagkagaling ko sa Europa, tumungo agad ako noong sumunod na araw, Marso 14, sa isang ospital upang magpasuri dahil sa medyo may pananakit ang aking dibdib at upang matiyak ang aking kondisyong pangkalusugan dahil sa mga panahong ‘yun ay lumalaganap na ang coronavirus,” sabi umano ng dating senador, ayon sa paglalahad ni Rodriguez.

Pahayag pa ng dating mambabatas, ayon sa kanyang tagapagsalita: “Pero umuwi na lang ako kasi sobrang dami ng pasyente noon sa pinuntahan kong ospital kaya hindi na ako nagpumilit na magpaasikaso upang mabigyan ng tamang atensiyon ang mga pasyenteng nauna sa akin... na maaaring mas masama ang pakiramdam.”

Ayon pa kay Rodriguez, ang tanging pagkakataon na lumabas si BBM mula noon sa kanyang silid ay noon lang Marso 22, para magtungo sa emergency room ng parehong ospital makaraang siya’y makaranas ng hirap sa paghinga, kung saan isinagawa ang COVID-19 test sa kanya at pinayuhang mag-self-quarantine.

Ang resulta ng COVID-19 test sa senador ay inilabas ng RITM noong hapon ng Marso 28, kung saan sinasabing siya’y nagpositibo sa naturang virus.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page