top of page
Search
  • Ryan B. Sison

Pribilehiyo, gamitin nang tama sa gitna ng COVID-19 pandemic


Boses ni Ryan B. Sison

Sa panahon ngayon, ilang oras ang kailangan nating gugulin bago makapasok sa mga pamilihan dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng social distancing.

At bago makapasok, kailangang sumailalim sa body temperature checking, gayundin, limitado lang ang puwedeng makapamili.

Marami ang bad trip dahil bukod sa ubos-oras, nakakaubos din ng pasensiya. Ngunit dahil parte ito ng pag-iingat, walang choice ang taumbayan kundi sumunod sa mga patakaran.

Pero tila hindi ito ang nangyari sa isang grocery sa Davao matapos maiulat na sumingit sa pila papasok ng pamilihan ang anak ni House Deputy Speaker Paolo “Pulong” Duterte na si Omar.

Agad namang humingi ng paumanhin ang presidential son kasabay ng pagtiyak na hindi nito palalampasin ang inasal ng anak. Gayundin, paiimbestigahan aniya ang umano’y pagmamalabis ng security team na kasama ng kanyang anak.

Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya dahil anila, hindi porke apo ng pangulo ay puwede nang lumabag sa protocol at oks lang na gawin ang anumang gusto nito.

Para saan pa nga ba ang patakaran kung lalabagin din? Para saan pa ang pagsisikap ng mga kababayan nating sumunod sa mga ito kung babalewalain din ng mga pasaway?

Dapat lang na hindi ito palampasin dahil nakakahiya naman sa mga ordinaryong tao na nagta-tiyagang pumila sa mga pamilihan para lang mabili ang mga pangangailangan.

Para sa mga awtoridad, panagutin ninyo ang mga pasaway na ito at ‘wag puro babala lang. ‘Yung iba r’yan, ang lalakas ng loob lumabag dahil kampante silang nananakot lang kayo.

Sa pagkakataong ito, gamitin sana natin nang tama ang ating pribilehiyo at tayo namang publiko, seryosohin natin ang lahat ng ipinatutupad na patakaran sa ating bansa dahil hindi biro ang problemang kinakaharap natin.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page