top of page
Search
  • Gerard Arce

Mataas ang pangamba ng mga hindi pa kuwalipikado sa Olympics


Masuwerteng walang iintindihin ang apat na Filipinong atleta na nagkwalipika sa naunsyaming Tokyo Olympics dahil mabibitbit nila ito hanggang sa muling pagbubukas sa 2021 – ngunit para sa mga hindi pa kwalipikado – mananatili pa ring malaking tanong kung may paglalaanan pa sa mga ito.

Tanging nakasisiguro lamang ay sina Ernest “EJ” Obiena ng Pole Vault, Carlos Yulo ng Gymnastics, at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno matapos magsipagkwalipika sa kani-kanilang mga Olympic Qualifying Tournaments simula pa noong isang taon.

Ayon sa panulat ng Agence France-Presse (AFP), aabot umano sa 57% ng 11,000 nakatakdang partisipante para sa Tokyo ang nakasisigurong lalahok nang itulak ng International Olympic Committee (IOC) ang mga laro sa 2021, kasunod ng pag-postponed nito dahil sa paglaganap ng coronavirus (Covid-19) pandemic sa buong mundo.

Tinipon umano sa isang teleconference ng IOC ang 32 international sports federations nitong Huwebes upang pagdesisyunang respetuhin ang prosesong pinagdaanan ng mga atleta sa qualifying tournaments.

“Thomas Bach (the IOC President) first explained the reasons for the postponement of the Games, then said that the athletes qualified for Tokyo 2020 would automatically be qualified for 2021,” wika ng isang partisipante sa naturang pag-uusap sa panulat ng Agence France-Presse (AFP). “One of the main subjects was to know when and how to organize the qualifications. In some federations, many sportsmen and sportswomen are not qualified and it takes at least three months for the Olympic Games to organize them,” dagdag nito.

Marami pa rin sa mga Filipinong atleta, maging sa ibang bansa ang hindi pa nakakakuha ng ticket patungong Summer Games; at isa rito ay si 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz.

“Sana may competition in between. Mahirap po mag-training na walang goal at competition na nilo-look forward. Sayang isang tournament na lang po ang kailangan ko,” pahayag ng 29-anyos na 2018 Jakarta-Palembang Asian Games champion sa BULGAR sa social media.

Maging si 2019 World Amateur boxing champion Nesthy Petecio ay umaasa ring maglalabas na ng pinal na petsa ang Olympics, at kung sakali, ng mga qualifying tournaments.

“Iniisip ko po 'yung Olympics. Lalo na’t kailangan ko mag-qualify muna,” saad ni Petecio sa social media. “Canceled na po lahat ng qualifying namin at hindi ko pa po sure kung kailan ulit,” dagdag nito.

Ilan pa sa mga nag-aantay ng qualifying ay sina Asian Games gold medalist Margielyn Didal ng skateboarding, 4-time Southeast Asian Games champion Kiyomi Watanabe ng Judo, national boxers Riza Pasuit, James Palicte at Ian Clark Bautista; Taekwondo jins Pauline Lopez, Kurt Barbosa, Dave Cea, Samuel Morrison at 2016 Rio participant Kirstie Alora; Junna Tsukii, Jamie Lim at Joane Orbon ng Karate; Jason Baucas, Noel Norada, Alvin Lobrequito at Jiah Pingot ng Wrestling, golfers Yuka Saso at Clarisse Guce; swimmers James Deiparine, Luke Gebbie, Remedy Rule at Jasmine Alkhaldi; Kristina Knott, Eric Gray, William Morrison, Natalie Uy, at Christine Hallasgo ng Athletics; rowing team, at 3x3 men’s basketball squad, na makasali ng Olympic Qualifying kung sakaling magkakaroon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page