Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Pulisya, nauubusan na ng pasensiya dahil sa mga pasaway

March 27, 2020

Ryan B. Sison / Boses

 

Bilang kapulisan ang namamahala sa pagpapanatili ng kaayusan at paniniguradong nasusunod lahat ng patakaran na itinakda ng gobyerno para sa Luzon-wide community quarantine, sila ang makikita nating nakapuwesto sa mga kalsada o daanan.

 

Ibig sabihin, kailangan nilang maglaan ng sandamakmak na pasensiya dahil malamang, marami pa ring pasaway na hindi nadaraan sa pakiusap.

 

Ngunit, tila hindi ito nangyari dahil kamakailan, nakuhanan ng video ang pulis sa Muslim Town sa Quiapo na namamalo ng residenteng lumalabas sa bahay sa kalagitnaan ng umiiral na enhanced community quarantine.

 

Maririnig pa sa video na nagmumura ito at nagbanta na babarilin ang sinumang lalabas sa kalsada. Gayundin, makikita ang lalaking lalabas sa gate ng mosque at nagpakita ng quarantine pass, ngunit sa halip na pagbigyan ay pinalo pa ito.

 

Dahil dito, sinabi ng Manila Police District (MPD) na iimbestigahan nila ang kanilang kawani na nasangkot sa insidente.

 

Nirerespeto pa rin umano ng MPD ang karapatan ng mamamayan kahit may ipinatutupad na enhanced community quarantine sa lugar.

 

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, bawal lumabas ng bahay, maliban na lang kung bibili ng pagkain o gamot. Gayunman, may ilang barangay na nagpapatupad ng community pass para matiyak na isa lang kada bahay ang makalalabas, alinsunod sa mga patakaran ng gobyerno.

 

Hati naman ang naging opinyon ng netizens hinggil sa ginawa ng pulis. May nagsasabing dapat lang sampolan ang mga pasaway na residente at meron naman na-bad trip.

 

Para sa kapulisan, nauunawaan nating napapagod na kayo at saludo kami sa inyong serbisyo, pero sana, ‘wag nating daanin sa init ng ulo ang pagpapatupad ng batas.

 

At habang patuloy na ginagampanan ng pulisya ang kanilang tungkulin, tayo namang publiko ay may dapat ding gawin.

 

Matuto tayong makinig at kapag sinabing bawal, bawal. Maawa kayo sa kapulisan na nagsasakripisyo ng pahinga at oras sa pamilya para masiguradong ligtas tayo.

 

Sa totoo lang, maliit na bagay ‘yung pananatili sa bahay, pero malaki ang tulong na magagawa nito hindi lang sa inyong sarili kundi pati na rin sa ating mga kababayan.

 

Pakiusap sa lahat, maging bahagi tayo ng solusyon at ‘wag maging sakit sa ulo.

 

Lahat tayo ay may kayang gawin para makatulong sa problemang ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr