Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Mga benepisyo ng special powers ng pangulo na tutugon sa COVID-19 na kinahaharap ng bansa

March 27, 2020

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

 

Natukoy ng Department of Finance at Department of Budget and Management ang pondo na maaaring gamitin para labanan ang COVID-19 pandemic mula sa iba’t ibang ahensiya at government-owned and controlled corporations (GOCCs).

 

Ngunit dahil sa pangangalagang nakapaloob sa ating Konstitusyon at maging sa umiiral na batas ay hindi maaaring galawin ng isang tao lamang ang pondo para sa nabanggit na ahensiya at GOCCs.

 

Dahil dito ay kinailangang magpasa ng Senado at Kamara ng batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang mamahala sa mga gastusing dapat pagtuunan.

 

At sa awa ng Diyos, napirmahan na ng Pangulo ang Bayanihan to Heal as One Act of 2020 nitong Miyerkules (Marso 25) na nagbibigay sa kanya ng special powers upang matugunan ang 2019 novel coronavirus outbreak sa ating bansa.

 

Kabilang dito ang COVID-19 special risk allowance na dagdag sa hazard duty pay ng public health workers tulad ng mga doktor at nurses na nasa harapan ng panganib.

 

Maging ang saklaw para sa medical expenses ng public at private health workers ay tutugunan ng PhilHealth sa sandaling malantad at mahawa sa COVID-19

 

Magkakaroon din ng P100, 000 kompensasyon para sa pampubliko at pribadong health workers na nahawa sa COVID-19 habang tumutupad sa kanilang tungkulin, at P1 milyong kompensasyon naman para sa pamilya ng health workers maging pribado o pampubliko na nahawa at nasawi dahil sa pagtupad ng kanilang tungkuling labanan ang COVID-19.

 

Tatanggap din ng P5, 000 hanggang P8, 000 emergency cash aid depende sa umiiral na minimum wage sa bawat lugar ang may 18 milyong mahihirap na pamilya.

 

Dagdag pa ng batas, hindi muna sisingilin sa kahit na anong bayarin tulad ng import duties at buwis ang mga magdo-donate ng personal protective equipment (PPE) at iba pang medical supplies para sa paglaban sa COVID-19 nang ang pagtanggap at pamamahagi ng health products para sa pagsugpo ng naturang virus ay hindi maantala.

 

Hindi na rin kabilang ang PPEs mula sa Procurement Reform Act na idinisenyo para maprotektahan sa maling paggamit ng pampublikong pondo na isa sa mga dahilan kung bakit tali ang mga kamay ng mga pagamutan sa pagbili ng PPEs, medical supplies at equipment.

 

Nakapaloob din na dapat mapabilis ang accreditation ng mga testing kit o mapabilis ang availability nito.

 

Naisama natin sa batas ang ipinanawagan natin noong para sa mga consumers at taxpayers na magkaroon ng kaluwagang 30-araw para sa pagbabayad sa renta ng bahay at maging sa mga loans at credit card payments na pumatak ang singil sa panahon ng enhanced community quarantine.

 

Ngayon ay hindi magkakaroon ng interests, penalties, fees at iba pang bayarin.

Ganito ang bentahe ng special power na ipinagkaloob natin sa Pangulo na bago napirmahan ay katakut-takot na batikos at masasakit na puna sa gitna nang paghahanap natin ng solusyon.

 

Hindi nila naiisip na ipinaglaban ng bill na ito ang mga doktor, nurses at lahat ng health workers na harap-harapang nakikipagtunggali kay kamatayan maisalba lamang ang buhay ng ating mga kababayan.

 

Dahil dito ay dadali ang daloy ng pagdating ng mga medical supplies at equipment para sa mga ospital at mabibigyan ng tulong ang mamamayang Pilipino partikular ang mga mahihirap kasama na ang mga kumukontra.

 

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr