Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Ipagdasal natin ang kaligtasan at kalakasan ng mga frontliners

March 27, 2020

Fr. Robert P. Reyes / Patakbo-Takbo

 

Halos isang buwan na natin dinadalaw ang kaibigan nating si Jose Baradi. Linggu-linggo, sinisikap natin siyang dalhan ng komunyon at pahiran ng langis para sa may sakit.

 

Sa nagdaang apat na linggo ng pagdalaw kay Jose, naalala natin ang mga huling araw ng aking kapatid na si Vincent. Kapwa nagkaroon ng kanser si Jose at Vincent. Kapwa natin nasamahan at naalalayan hanggang sa mga huling araw ng kanilang buhay.

 

Samantala, sa aking huling dalaw kay Jose noong ika-19 ngayong buwan, kitang-kita ang kanyang panghihina at hirap sa paghinga. Kutob nating malapit na siyang kunin ng Panginoon. Kaya sa ating panalangin, hiningi natin ang biyaya ng mapayapa at masayang kamatayan.

 

At pasado alas-9:00 ng gabi nang tawagan tayo ng kanyang asawa upang sabihing pumanaw na ang ating matalik na kaibigan.

 

Sa mga ibinahagi ng kanyang asawa, anak at iba pang mahal sa buhay, iisang imahe lamang ang nabuo – napakabait niyang tao. Hindi man ganu’n kahaba ang kanyang buhay, na naabot ang kaganapan sa edad na 71, ito ay hitik sa pagtulong at pagbabahagi sa iba.

 

Samantala, napakaraming nag-aagaw-buhay ngayon sa gitna ng pandemic na COVID-19. Dahil sa panganib ng komplikasyon o pagkahawa, hindi ganu’n kadaling samahan at alalayan ang bawat pasyente. Kailangan din ng mga health workers na mag-ingat at lubos na protektahan ang kanilang sarili upang hindi mapabilang sa dumaraming kaso nito.

 

Paano mabibigyan ang taumbayan ng sapat na suporta sa kanilang malubhang kalagayan ng pagiging lantad at vulnerable na mahawa sa virus? At ang mga naturang “frontliners” na nagbabantay at nagsisikap na tulungan ang mga pasyenteng tinamaan na ng kinatatakutang virus?

 

Kamakailan, napadaan tayo dulo ng kalyeng Malakas at kanto ng Matalino. Merong mga barikada na binabantayan ng kapulisan. Bukod sa mga health worker na direktang nakakasalamuha ng mga pasyente, frontliners din ang mga sundalo at pulis. Kailangan nilang magbantay sa mga kalye at sa mga lugar na mahigpit na ipinatutupad ang enhanced community lockdown.

 

Saludo tayo sa kanila dahil sa kabilang ng kakulangan sa tulog at sobrang pagod, patuloy pa rin silang nagbibigay-serbisyo sa taumbayan. Ipinagdarasal natin ang kaligtasan at kalakasan sa bawat frontliners.

 

Maraming salamat sa inyo sa patuloy na pagtulong, pag-alalay at pagkalinga sa inyong kapwa. Salamat sa napakagandang halimbawa ng paglilingkod.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr