top of page
Search
  • Shane Ludovice

Pagraraspa, paraan upang matukoy kung may kanser sa matres


Dear Doc. Shane,

Ilang araw na akong dinurugo kahit nag-menopause na ako last year. Natatakot ako dahil last time na nagpa-checkup ako, sinabi ng doktor na raraspahin daw ako. Kailangan ba talagang gawin ‘yun? - Arlene

Sagot

Ang raspa o dilation and curettage (D&C) ay pamamaraang isinasagawa upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman mula sa loob ng matres. Isinasagawa ito ng mga doktor upang matukoy at magamot ang ilang kondisyon sa matres tulad ng sobrang pagdudrugo o kaya naman ay malinis ang loob ng matres pagkatapos malaglag ng ipinagbubuntis. Ginagamitan ito ng instrumentong bakal na kung tawagin ay curette na maaaring may talim sa dulo o panghigop (suction).

Ang pagraraspa ay maaaring isagawa sa sinumang kababaihan na dumaranas ng kondisyon sa kanyang matres. Maaaring irekomenda ng doktor ang pagpaparaspa kung mayroong abnormal na pagdurugo sa matres, kung dumaranas ng pagdurugo kahit lumipas na ang menopause o kung natukoy ang pagkakaroon ng mga bukol na maaaring may kaugnayan sa cervical cancer.

Isinasagawa rin ang pagraraspa upang alisin ang mga natirang laman sa loob ng matres matapos ang pagkakalaglag ng ipinagbubuntis at maiwasan ang impeksiyon at patuloy na pagdurugo.

Ang pagraraspa ay isinasagawa sa ospital o klinika sa rekomendasyon ng doktor.

Ang proseso ay mabilis lamang na karaniwang tumatagal lamang 15 hanggang 30 minuto. Ang pasyente ay maaaring bigyan ng general anesthesia kung saan makatutulog habang isinasagawa ang pagraraspa o kaya ay spinal anesthesia kung saan kalahati lamang ng katawan ang mamamanhid. Ipinapasok ang instrumentong curette sa loob ng matres upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman. Ang laman na nakuha ay pag-aaralan naman sa laboratoryo. Matapos isagawa ang pagraraspa, maaaring dalhin muna sa recovery room ang pasyente habang hinihintay ang resulta.

Sa tulong ng raspa, maaaring matukoy ang ilang kondisyon sa matres tulad ng kanser, pagtubo ng mga polyps at pangangapal ng mga gilid ng matres. Sa tulong din nito, maaaring maiwasan ang impeksiyon at patuloy na pagdurugo pagkatapos malaglag ng ipinagbubuntis.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page