top of page
Search
  • Korina Sanchez

Malawakang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa

Dalawang beses nagbawas-presyo ng gasolina at diesel ang mga kumpanyang petrolyo dahil sa mahinang pangangailangan sa nasabing produkto hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Nabawasan nang husto ang lipad ng mga eroplano kaya ramdam din nila ang krisis sa panahon ng COVID-19.

Samantala, nasa resesyon naman ang buong mundo sa kabila ng mga pahayag ni Central Bank Gov. Diokno na makababawi ang Pilipinas bago matapos ang taong ito. Pero, kung tumagal pa ang pananasala ng COVID-19, ganu’n pa rin kaya ang nakikita para sa ekonomiya ng bansa?

Ano ang mangyayari kapag binawi na ang ‘enhanced community quarantine’ sa Luzon? Maraming maliliit na negosyo ang napilitang magsara dahil ang iilan nilang empleyado ay hindi na makapasok dahil sa walang masakyan.

Sa kabilang banda, buhay na buhay naman ang mga food delivery ngayon. Bukod sa mga grocery at drugstore, sila ang pinakakumikita kaya pansamantala ay sila muna ang nagpapatakbo ng ekonomiya.

Panigurado, kasunod nito ay lalong madaragdagan ang motorsiklo sa kalsada ngayong mura na ang gasolina. Dahil sa pangambang lumabas ng kani-kanilang bahay, kahit tapos na ang quarantine, delivery pa rin ang gugustuhin ng tao.

Ang malawakang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa ang kailangang matukoy ng gobyerno. Kapag binawi na ang quarantine, makababalik ba silang lahat sa kani-kanilang trabaho?

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, na isa ring ekonomista, higit isang trilyong piso ang mawawala sa ekonomiya ng bansa dahil sa COVID -19. Ito ay malaking halaga ng pera na mabawi pa kaya?

Gayunman, tiniyak ni Central Bank Gov. Diokno na kakayanin naman ito sa katapusan ng taon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page