top of page
Search
  • Kuya Win Gatchalian

Ayuda para sa mga mag-aaral sa panahon ng krisis


Sa mga panahong tulad nito dapat ipinapakita ng gobyerno na mas mabilis ang serbisyo sa kabila ng samu’t saring regulasyon at proseso para maaprubahan ang anumang transaksiyon. Halimbawa, sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED). Hinihimok natin ang mga nasabing ahensiya na madaliin ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga estudyante.

Kung tutuusin, dapat naipamigay na ang cash assistance na nasa ilalim ng mga programang Senior High School Voucher Program o SHS VP ng DepEd at ang Tertiary Education Subsidy o TES ng CHED sa pagwawakas ng School Year 2018-2019.

Ang SHS VP ay programang nagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga mahuhusay at nangangailangang mag-aaral upang makapag-aral sila sa mga pribadong paaralan, state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) at sa mga technical and vocational institutions.

Para sa nagdaang School Year 2018-2019, maaaring makatanggap ang 1.2 milyong mag-aaral na bahagi ng naturang mga programa ng P14, 000 hanggang P22, 500—depende kung saan ang lokasyon ng mga mag-aaral.

Mahigit P14 bilyon pa ang dapat bayaran ng DepEd para sa SHS VP para sa taong 2019. Ang halagang ito ay nakatakdang bayaran ng DepEd gamit ang halos P24 bilyong kasalukuyang budget nito para sa programa. Maliban sa pagsisilbing ayuda para sa mga magulang at mag-aaral, makatutulong din ang pondong ito sa mga pribadong paaralan, lalo na sa pagbibigay ng paunang sahod at 13th month pay ng mga guro at school personnel. Kaya sana ay putulin na ang red tape at aksiyunan na agad ang pagproseso nito.

Ang TES naman, sa kabilang banda ay isa sa mga bahagi ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang free tuition law. Sa ilalim ng programang ito, maaaring makatanggap ang mga mag-aaral ng hanggang P40, 000 ayuda para sa mga aklat, transportasyon, tirahan at iba pang mga gastusin. Para sa School Year 2018-2019, mayroong P16 bilyong halaga na nakalaan para sa TES, ngunit P4.7 bilyong pa lamang ang nagamit dito sa pagwawakas ng taong 2018.

Sa mga hindi inaasahang pagkakataon tulad na lamang ng kasalukuyang sitwasyon laban sa COVID-19, wala na tayong sapat na oras para magpatumpik-tumpik pa. Malaking ginhawa ang maitutulong ng ayudang ito sa kabataan at kanilang pamilya na lubos na apektado ng suliraning ating kinahaharap. Dinggin natin ang kanilang pangangailangan sa lalong madaling panahon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page