top of page
Search
  • Bobi Tiglao

Emergency powers, lusot na... Mabilis na tugon ng gobyerno sa krisis ng coronavirus, asahan!

Nagkaisa ang Senado at Kamara na ipasa ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na emergency powers upang matugunan ang krisis na dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Halos lahat ng mga kongresista at senador ay bumoto ng pagsang-ayon sa bagong batas na magbibigay ng kapangyarihan sa pangulo para magsagawa ng mga polisiya at aksiyon para mapangalagaan ang buhay, kalusugan at seguridad ng mga Pinoy.

Maiksing panahon lang ang kinailangan ng dalawang kapulungan para gawing pormal ang pagbibigay ng emergency powers. Kaunti lang ang mga pasaway kaya maaari nating maipagmalaki ang pagkakaisa na ipinakita ng ating mambabatas.

Si Pangulong Duterte mismo ang humingi ng dagdag-kapangyarihan para malabanan nang husto ang banta ng COVID-19. Sa huling tala, nasa 552 na ang kumpirmadong kaso ng nasabing virus sa bansa habang nasa 35 na ang namamatay.

Sa kanyang Proclamation 933, hiniling ni Pangulong Duterte sa Kongreso na magsagawa ng espesyal na sesyon para maipasa ang batas para mapadali ang paggamit ng pondo para sa mga proyekto na magbibigay ng tulong at ayuda sa mga mahihirap.

Kailangan ang ganitong kapangyarihan dahil maraming batas ang Pilipinas na naglilimita sa pag-iikut-ikot ng pondo nang walang pahintulot.

Kapag may ganitong emergency powers, hindi nakatali ang kamay ng pangulo at maaari niyang gamitin ang pondo ng bayan na nakalaan sa ibang bagay para gamitin. Halimbawa, sa pagbili ng mga gamot, face masks, ventilators, oxygen machines, at iba pang gamit ng mga doktor, nurse, at iba pa sa sektor ng kalusugan.

Mabuti na lang at masigasig ang kasalukuyang gobyerno. Sa ibang bansa, naabutan sila ng kasagsagan ng pagtaas ng kaso ng virus dahil makupad ang kanilang mga lider.

Ang kalunus-lunos ngayon ay ang Italy kung saan sa isang araw, madalas ay 600 hanggang 900 ang namamatay sanhi ng coronavirus. Kaugnay nito, naka-lockdown na ang Italy at iba pang parte ng Europa.

Sa United Kingdom naman, ngayon lang naglabas ng kautusan si Prime Minister Boris Johnson para magsagawa ng lockdown.

Noong una, ayaw pa ng UK na utusan ang mga tao na manatili lang sa kani-kanilang bahay. Sa bawat araw na pinalipas nila ay dumami ang bilang ng may sakit. Katulad ng ating “enhanced community quarantine,” bawal na rin lumabas ng bahay ang mga taga-UK maliban lang kung bibili ng pagkain o gamot, at bawal na rin ang magbiyahe.

Pero kahit pa naglabas na ng order ang gobyerno ng UK ay mayroon pa ring mga tao na ayaw sumunod. Panay pa rin ang inuman sa “pub” ng kabataan na parang hindi natatakot mahawahan ng COVID-19.

Gayundin ang nangyayari sa Estados Unidos kahit dumarami na ang bilang ng mga sakit ay ayaw pa rin ng kabataang tumigil sa pag-party, pagpunta sa beach at pamamasyal.

Samantala, sa ating bansa, nagtutulung-tulong ang ating gobyerno, kasama ang militar, pulis at mga lokal na opisyal para masunod ang mga patakarang ibinaba ng Inter-Agency Task Force ng base sa Palasyo.

Maaari nating maipagmalaki sa buong mundo ang ating gobyerno – masipag, mabilis kumilos at inaalala lahat ng pangangailangan ng taumbayan lalo na ang mahihirap.

Mabuti na lang at hindi dilawan ang nanalong lider ng kasalukuyang bansa dahil kung hindi baka parang sampung “Yolanda” ang inabot natin.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page