top of page
Search
  • Buti Na Lang May SSS

Kaalaman tungkol sa unemployment at sickness benefit ng SSS

Dear SSS,

Hindi naman lingid sa inyo na marami ang maaaring maapektuhan ng COVID-19. Maaari silang mawalan sila ng trabaho o dapuan ng sakit na ito. Mayroon bang benepisyo ang SSS para sa aming mga miyembro na maaaring tamaan ng ganitong virus? - Tonyo

Sagot

Nakahanda ang SSS na mag-abot ng tulong sa mga maaaring maapektuhan ng lumalaganap na sakit na virus na COVID-19. Mayroong mga programa at benepisyo ang SSS na maibibigay sa inyo at sa mga miyembro na maaapektuhan ng sakit na ito.

Unemployment Benefit

Para sa mga miyembro na mawawalan ng trabaho, maaari silang mag-claim ng unemployment benefit. Ito ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa mga miyembrong nawalan ng trabaho upang masuportahan ang kanilang sarili at kanilang pamilya. Sa ilalim ng benepisyong ito, maaaring makatanggap ng hanggang P20, 000 na maximum benefit na magagamit nila habang sila ay naghahanap ng bagong trabaho.

Upang mag-qualify, kinakailangang ang miyembro ay hindi lalagpas sa edad 60 ng siya ay hindi inaasahang nawalan ng trabaho. Para naman sa underground at surface mineworkers, hindi dapat higit sa edad 50 at 55 naman sa mga racehorse jockeys. Dapat nakapaghulog din sila ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon kung saan ang 12 kontribusyon ay naibayad sa loob ng 18 buwan bago ang buwan na siya ay nawalan ng trabaho.

Bukod dito, maaari lamang bigyan ng unemployment benefit ang mga empleyado na natanggal sa trabaho kung legal ang kanilang pagkakatanggal na naaayon sa Labor Code of the Philippines tulad ng paglalagay ng labor-saving devices ng kumpanya, redundancy, retrenchment, pagsasara o pagtigil ng kanilang operasyon o negosyo at pagkakaroon ng sakit o karamdaman na hindi na pinahihintulutan ng batas na makapagtrabaho pa. Kasama rito ang pagkakatanggal sa trabaho bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya, pagtama ng kalamidad at mga kahalintulad na dahilan na maaaring tukuyin ng SSS at Department of Labor and Employment (DOLE)

Sa mga nais mag-file, makipag-ugnayan lamang sa alinmang sangay ng SSS o bumisita sa mga tanggapan nito sa sandaling magbukas na ang mga tanggapan mula April 15, 2020. Samantala, dapat i-file ang unemployment benefit application sa loob ng isang (1) taon mula sa petsa ng pagkawala ng trabaho ng empleyado.

Sickness Benefit

Kung ang miyembro naman ay hindi inaaasahang magkasakit dahil sa COVID-19, maaari siyang mag-file ng sickness benefit. Ang benepisyo sa pagkakasakit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan. Ibinibigay ito sa kuwalipikadong miyembro na hindi makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan at naratay ng hindi kukulangin sa apat na araw.

Dapat nakapaghulog siya ng hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon sa loob ng huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Para sa mga empleyado, dapat nagamit na rin niya ang lahat ng kanyang kasalukuyang sick leaves sa kumpanya. Mahalaga rin na naabisuhan niya ang kanyang employer. Kung ang miyembro ay self-employed o voluntary member, ang aabisuhan niya ay ang SSS. Maaaring i-download ang Sickness Notification Form sa SSS website, www.sss.gov.ph.

Dagdag pa dito, maaaring mapagkalooban siya ng sickness benefit na katumbas ng hanggang 120 araw sa loob ng isang taon at karagdagang 120 araw sa susunod na taon kung magpapatuloy ang kanyang dating sakit. Gayunpaman, kung ang pagkakasakit ay tatagal ng higit pa sa 240 araw, siya ay maaari ng mag-apply sa ilalim ng disability benefit.

◘◘◘

Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page