top of page
Search
  • Shane Ludovice

Sanhi at lunas ng lower back pain


Dear Doc. Shane,

Madalas akong nakararamdam ng pananakit ng likod. Umiinom ako ng pain reliver pero parang wala namang epekto. Ano ba ang dahilan ng lower back pain? - Gwen

Sagot

Ang pananakit ng likod, partikular sa ibabang bahagi nito ay isang sintomas o senyales ng karamdaman sa buto, laman, ugat at kasu-kasuan. Madalas, hindi malala ang dahilan ng pananakit na ito at kalimitan ding nawawala ng kusa. Maraming puwedeng maging dahilan ng pananakit ng likod. Kalimitan na ang sobrang paggamit (overuse) sa bahaging itong likod o maling posisyon ng katawan (disuse) ang siyang nagdudulot ng matinding pagkapagod sa laman, buto at kasu-kasuan na nararamdaman natin bilang sakit.

Ano ang mga hakbang para maiwasan ang pananakit ng likod?

  • Kung magbubuhat ng mabibigat na bagay, gawin ito sa wastong paraan – ibaluktot ang mga tuhod at panatilihing tuwid ang likod habang binibuhat ang bagay. Panatilihing malapit ang bagay habang binubuhat. Itulak at huwag hilain ang mga mabibigat na bagay.

  • Kung ikaw ay nakaupo ng matagal na oras, siguraduhing ikaw ay mag-unat-unat kada ilang minuto.

  • Sa mga babae, mainam ang mga flat shoes o sapatos na mababa lang ang heels (isang pulgada o mas mababa pa).

  • Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo.

  • Kung uupo, piliin ang mga upuang tuwid ang likod o may low-back support.

Ano ang magagawa ko para maibsan ang sakit ng aking likod?

Ang pinakamainam na posisyon ay ang paghiga ng patihaya na may unan sa ilalim ng tuhod. Ito ay para mabawasan ang timbang sa likod na siyang nagdudulot ng karagdagang sakit. Maaaring gawin ito ng isa hanggang dalawang araw para mapahinga ang likod.

Maaaring uminom ng mga over-the-counter medicines tulad ng paracetamol o ibuprofen kung kailangan. Pero kung hindi kayanin ng mga OTC drugs, magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng gamot na may mas mataas na dosage.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page