top of page
Search
  • Buti Na Lang May SSS

Kahalagahan ng SSS Sickness Notification


Dear SSS, Magandang araw! May katanungan ako tungkol sa SSS sickness benefit. Ano ang kahalagahan ng sickness notification? - Sheila

Sagot, Mabuting araw, Sheila! Napapanahon ang katanungan mo kaya mahalagang talakayin natin ang kahalagahan ng pag-notify sa employer at sa SSS ng pagkakasakit ng empleyado. Ang kawalan ng sickness notification ay maaaring maging dahilan upang hindi maaprubahan ng SSS ang sickness benefit claim application.

Para sa iyong kaalaman, ang SSS sickness benefit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan. Ibinibigay ito sa kuwalipikadong miyembro na hindi makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan at naratay nang hindi kukulangin sa apat na araw. Dapat nakapaghulog siya ng hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon sa loob ng huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan.

Para sa mga empleyado, dapat nagamit na niya ang lahat ng kanyang kasalukuyang sick leaves sa kumpanya. Mahalaga rin na naabisuhan niya ang kanyang employer. Kung ang miyembro ay self-employed o voluntary member, ang aabisuhan niya ay ang SSS. Maaaring mai-download ang SSS Sickness Notification Form sa SSS website, www.sss.gov.ph.

Mayroong limang araw mula sa unang araw ng kanyang pagkakasakit ang isang miyembro upang abisuhan ang kanyang employer at karagdagang limang araw upang i-notify ng employer ang SSS sa pagkakasakit ng kanyang empleyado. Ngunit, kung ang miyembro ay naratay sa ospital, binibigyan siya ng isang taon mula sa araw ng kanyang hospital confinement upang ipagbigay-alam ito.

Kapag natanggap ng employer ang sickness notification mula sa kanyang empleyado, binibigyan ito ng limang araw para ipasa ang sickness notification sa SSS sa pamamagitan ng SSS website o personal na pagsumite nito.

Ang sickness notification ay ie-evaluate ng SSS at aaprubahan. Dito rin malalaman ng employer kung para sa ilang araw naaprubahan ang sickness claim ng miyembro. Ang aprubadong sickness notification ay dapat balikan ng representative ng employer mula sa branch kung saan ito nai-file. Kapag nakuha na ang aprubadong sickness notification, maaari nang ipauna ng employer ang benepisyong ito.

Kapag ipinasa ng empleyado sa tamang panahon ang kanyang sickness notification ngunit, hindi ito agad ipinasa ng kanyang employer, buo pa rin ang tatanggaping sickness benefit mula sa kanyang employer. Subalit, ang halaga ng reimbursement na matatanggap ng employer ay mababawasan dahil sa late submission ng employer.

Kung naipagbigay-alam ng empleyado sa kanyang employer o sa SSS kung nahiwalay sa trabaho, self-employed o voluntary member ang kanyang pagkakasakit matapos ang takdang limang araw, ang confinement ng miyembro ay magsisimula sa ikalimang araw bago natanggap ng employer o ng SSS ang notipikasyon.

Samantala, kung naipagbigay-alam ng employer sa SSS ang pagkakasakit ng empleyado matapos ang takdang limang araw matapos matanggap ang notipikasyon mula sa empleyado, ang mare-reimburse lamang ng employer ay ang bawat araw ng pagka-confine ng empleyado mula sa ika-10 araw bago natanggap ng SSS ang notipikasyon.

Kapag naibigay naman ng empleyado ang kinakailangang notipikasyon sa kanyang employer subali’t hindi naipagbigay-alam ng employer ang pagka-confine nito sa SSS na naging sanhi ng hindi pagbibigay o pagkabawas ng benepisyo, ang kabuuang halaga ng benepisyo ay kinakailangang ibigay ng employer sa kanyang empleyado subalit ang employer ay hindi na maaaring mag-reimburse sa SSS ng daily sickness allowance na ibinayad sa kanyang empleyado.

Ipinaaalala namin sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, pinapaunang bayaran ng employer ang sickness benefit sa kanyang empleyado tuwing regular payday o tuwing ika-15 at huling araw ng buwan.

Ang employer ang babayaran ng SSS matapos maipasa nito ang SSS Sickness Benefit Reimbursement Application Form. Sa nasabing form ay isesertipika ng empleyado na paunang naibayad and sickness benefit sa kanya. Kaya kung hindi pa pinaunang binayaran ang sickness benefit, dapat i-report ito sa SSS dahil may paglabag na sa batas ang employer.

Mula 2015, ang lahat ng reimbursements para sa pagbabayad ng sickness benefit sa mga employers ay sa pamamagitan na ng crediting sa napiling bank partners ng SSS sa ilalim ng Sickness, Maternity Benefit Payments Thru the Bank samantalang, sa mga self-employed, voluntary at overseas Filipino workers (OFWs) ay sa kanilang mga bank accounts na rin babayaran sa mas mabilis na pamamaraan kumpara sa tsekeng ipinadadala sa pamamagitan ng koreo.

◘◘◘

Patuloy naming ipinaaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar para sa inyong mga aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang taon.

◘◘◘

Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page