top of page
Search
  • Daing Mula sa Hukay

Wala nang batang mabibiktima... Final answer: Dengvaxia stop!

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

Puno ng pag-asa naming hinintay ang pasya ng Office of the President (OP) na may kinalaman sa apela ng Sanofi Pasteur, Inc. (SPI), na huwag bawiin ang product registration para sa Dengvaxia vaccine na ipinagkaloob sa kanila ng Food and Drug Administration (FDA).

Sa paghihintay naming ito, aking naalala ang bahaging ito ng Salmo 30:5:

“Pag-iyak ay magtatagal ng magdamag, ngunit kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.” Bagama’t, naging napakahaba ng aming magdamag, sulit na sulit naman ang aming pagbabantay at pag-aabang dahil hindi pinaboran ng Office of the President ang apela ng SPI, sa halip, ang naging desisyon nito ay ipagkaloob sa huli ang permanent revocation ng Certificate of Product Registration ng Dengvaxia vaccine.

Dahil permanente na ang pagkaalis nito sa merkado, wala nang mga batang matuturukan nito, manganganib ang kalusugan at malalagay sa peligro ang mga buhay. Bagama’t, huli na para kay Christine Mae De Guzman ang tagumpay na ito, naniniwala ako na sa kanyang pagpaparamdam — siya na isa nang nagsisilbing anghel ngayon ng mga biktima — ay labis ding naliligayahan.

Si Christine Mae de Guzman, 10-anyos ay dating estudyante sa isang paaralan sa Bataan, na namatay noong Oktubre 15, 2016 sa isang ospital sa nasabing lugar.

Siya ang ika-7 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng ilan sa mga sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects {anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng mga pamilya ang serbisyo ng team para sa mga namatay na biktima.

Tinutugunan din namin ang hiling nilang libreng serbisyo-legal ng PAO, sa pangunguna ng inyong lingkod.

Bagama’t, masakit gunitain, sariwa pa sa alaala ng mga magulang ni Christine na sina G. Nelson at Gng. Marivic de Guzman ang naganap na pagbabakuna ng Dengvaxia sa kanilang anak. Ayon kay Gng. De Guzman, noong Abril 6, 2016, bakasyon na sa mga eskuwelahan, bandang alas-10:00 ng umaga, nagpaalam si Christine na siya ay babakunahan ng Anti-Dengue vaccine (Dengvaxia) sa kanilang paa-ralan.

Pumayag siya dahil sa tingin niya ay dapat mabakunahan ang kanilang anak upang hindi siya tamaan ng dengue. Narito ang kaugnay nilang kuwento tungkol dito:

“Naunang pumunta sa paaralan si Christine upang pumila sa pagbabakuna at habang siya ay nakapila, nagtitinda siya ng lumpiang gulay.

“Sumunod ako sa paaralan at nagkita kami ni Christine. Pinuntahan namin ang kanilang classroom adviser/teacher (hindi ko na maalala ang kanyang pangalan) at ako ay nagtanong kung ano ang aming gagawin para mabakunahan na si Christine. Pinapila niya kami sa kabilang kuwarto kung saan isinasagawa ang pagbabakuna.

“Noong nandoon na kami, mayroong isang tao na kumausap sa amin upang kunin ang ilang personal na impormasyon tungkol kay Christine. Habang kinukuhanan kami ng impormasyon, nabanggit ng nasabing tao, ‘Pasalamat kayo nanay, binigyan tayo ng gobyerno ng libreng anti-dengue vaccine. Sa private po kasi, may bayad na mahal, aabot ng P4,500 hanggang P5,000.’

“Pagkatapos kaming makuhanan ng impormasyon, isinagawa na ang pagbabakuna kay Christine. Binigyan kami ng papel na nagpapaalala sa mga dapat naming gawin at sundin kung sakali mang may maramdamang kakaiba si Christine pagkatapos ng pagbabakuna.”

Pagkatapos ng pagbabakuna kay Christine, walang napansin na kakaiba ang kanyang mga magulang kaya hindi na sila nag-alala. Subalit, pagkalipas ng anim na buwan o noong Oktubre 11, 2016, pagkagaling ni Christine sa kanilang paaralan upang mananghalian ay dumaing na siya na masakit ang kanyang ulo at nagsabing hindi na siya babalik sa paaralan. Kinabukasan, nagkaroon siya ng lagnat at nang sumunod na araw, dahil sa tindi ng sakit ng tiyan at halos hindi na siya makalakad, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Bataan. Habang nasa ospital si Christine, kinuhanan siya ng dugo at sinuri. Base sa pagsusuri, si Christine ay mayroong dengue. Hindi inaasahan ng mga magulang ni Christine ang kanilang narinig. Ani Gng. De Guzman:

“Kami ay lubhang nagtaka sa aming nalaman sapagkat ilang buwan lamang ang nakalipas nang binakunahan siya ng Dengvaxia kaya hindi namin maunawaan kung bakit naging ganu’n ang pangyayari sa aming anak.”

Ang magkasunod na araw ng Oktubre 2016, mula Oktubre 14 hanggang 15 ay naghatid ng matinding sakit kay Christine ganundin sa kanyang buong pamilya na nauwi sa kanilang pagdadalamhati. Narito ang mga pinagdusahan ni Christine na humantong sa kanyang pagpanaw:

1. Oktubre 14, 2016 - Dahil sa sinabi ng doktor na hindi kayang gamutin si Christine sa nabanggit na ospital, dinala siya sa ibang ospital. Pagdating doon ay idiniretso siya sa Intensive Care Unit (ICU). Muling kinuhanan ng dugo si Christine at sinuri ang dugong nakuha sa kanya. Nang lumabas ang resulta ay nakitang positibo siya sa dengue at siya ay nanatili sa ICU.

Dahil nahihirapang huminga si Christine, nilagyan na siya ng oxygen. Subalit, kahit mayroon nang aparatong inilagay upang makahinga siya nang maluwag ay nagreklamo pa rin siya na nahihirapan siyang huminga. Dahil dito, napilitan ang kanyang doktor na lagyan siya ng tubo sa bibig hanggang sa lalamunan upang makahinga siya nang maluwag.

Dahil sa kondisyon ni Christine, salitan nang nagbantay ang mga nurse sa pag-monitor ng kanyang vital signs. Subalit, habang tumatagal ay bumababa nang bumababa ang kanyang blood pressure kaya nagdesisyon ang doktor na salinan si Christine ng dugo. Subalit, walang naging epekto ang pagsalin ng dugo sa kanya dahil hindi na ito tinanggap ng kanyang katawan.

Nagpatuloy ang pagbaba ng blood pressure niya hanggang sa manghina na siya. Rito na pina-pump ng mga doktor at nurse ang dibdib ni Christine, pero hindi na rin ito naging epektibo dahil unti-unti na siyang nawalan ng buhay. 2. October 15, 2016 (alas-9:00 ng umaga) - Idineklarang wala nang buhay si Christine. Noon na nila tinanggal ang mga aparatong nakalagay sa kanyang katawan at dinala na sa morgue. Pagkatapos ay dinala na siya sa punerarya.

Sa pagkamatay ni Christine, may mga pangyayaring naging palaisipan, nagdulot ng lungkot at sama ng loob sa kanyang pamilya. Ang lahat ng ito ay mararamdaman sa mga salitang binitiwan nina G. at Gng. De Guzman. Anila: “Sa lamay ni Christine, maraming dumalo at may nakapagsabi na nagtatrabaho sa Municipal Health Center na ika-42 kaso na ang kay Christine.

Hindi ko matiyak kung ang ibig niyang sabihin ay kaso ng mga tinamaan ng dengue o ng mga namatay pagkatapos maturukan ng Dengvaxia.

“Noong Disyembre, 2016, nagkaroon ng imbestigasyon ang Senado tungkol sa anomalya sa pagbili ng gobyerno at maling pagbabakuna ng “Anti-Dengue Vaccine” sa mga kabataan kung saan isa ang aming anak na si Christine ang naging biktima. Kami ay kasama sa mga taong naimbitihan upang magbigay ng salaysay sa sinapit ng aming anak dahil sa nasabing bakuna. Pagkatapos naming magsalita ay wala nang nangyari sa kaso ng aming anak.

“Labis ang aming pagkagulat, lungkot at sama ng loob sa sinapit ng aming anak. Hindi namin akalain na ang ibinakuna sa kanya na sa aming paniniwala ay magpoprotekta sa kanya laban sa dengue ay siya pa palang maglalagay sa matinding panganib at naging sanhi pa ng kanyang kamatayan.

“Hindi namin akalain na ang bakuna na sinasabi nilang masuwerte kami at nakuha namin nang libre mula sa gobyerno ang magiging sanhi ng kapahamakan at kamatayan ng aming anak na si Christine na kilala sa aming lugar na masipag at malusog na bata. Maliban sa sipon at ubo na normal na nagkakaroon ang mga bata, hindi pa kailanman nagkaroon ng matinding karamdaman ni Christine kaya nakakapanghinayang at napakasakit para sa amin na siya ay bawian ng buhay sa kanyang murang edad nang dahil sa kapabayaan, pagkaganid at pagkagahaman ng ibang tao.”

Dahil sa pagkamatay ni Christine, ang mag-asawang Nelson at Marivic ay humingi ng tulong sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na siya namang nag-endorso sa kanila sa aming tanggapan para sa libreng legal services ng PAO at forensic services ng PAO Forensic Laboratory Division (PAOFLD) kaya tinugunan namin ang kanilang mga hiniling na serbisyo.

Nagpapasalamat kami sa Office of the President sa ibinigay nitong desisyon na tuluyang ‘revocation ng Dengvaxia Certificate of Product Registration’. Ito ay pagkatig sa katarungan at katotohanan. Umaasa kami na masusundan pa ang ipinagkaloob sa tagumpay na ito kung saan nasasalamin din ang pagkapanalo ng mga maralitang biktima na nasa tamang landas ng katwiran.

(Itutuloy)

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page