top of page
Search
  • Jersey Sanchez

Goodbye, tagos!.. Bluetooth tampon na nagsasabi kung kailan dapat magpalit, naimbento na


Isa sa mga pinakakinatatakutan ng babae ay ang magkaroon ng leak o “tagos” habang may buwanang dalaw, kaya naman hindi mapigilan ng ilan na ma-conscious, lalo na kapag nasa pampublikong lugar kaya palaging tatalikod at magtatanong sa kasama na “meron ba?”

Gayunman, marami nang naisip na paraan ang mga eksperto para masiguradong hindi magkakaroon ng tagos ang kababaihan at sa halip na maging limitado sa regular pads o napkins, meron na ring overnight pads at tampon na puwedeng magamit, depende kung gaano kalakas ang flow.

Well, hindi pa rito nagtatapos ang kung anu-anong imbensiyon, alam n'yo ba na hindi na kailangang silipin mismo ang tampon bago magpalit nito dahil puwede nang malaman kung kailangang magpalit sa pamamagitan ng Bluetooth device? Woah!

Maraming naniniwala na “life changing” ang tampons dahil puwede silang mag-swimming kahit may period, basta nakasuot ng tampon, gayundin, mas maliit ang tsansa na magkaroon ng leak. Kaya naman para maiwasan ang tagos, may US-based firm na nag-imbento ng smart tampon na puwedeng magsabi sa gumagamit na kailangan na niyang magpalit.

Ito ay imbensiyon nina Amanda Brief at Jacon McEntire at tinawag na my. Flow. Kasingliit ito ng compact mirror na magsisilbing monitor at kailangang naka-attach sa waistband o underwear ng gagamit. Kailangang naka-connect ito sa my.Flow branded na tampon sa pamamagitan ng string na mas mahaba kumpara sa mga regular brand at may conductive thread na kasing nipis ng human hair.

Dapat ipasok ang dulo ng string sa monitor para ma-transmit ang data sa app na naka-install sa cellphone via Bluetooth. Pagkatapos, magse-send ito ng text reminder sa user na itsek ang app para makita kung gaano ka-full ang ginagamit na tampon.

Bagama’t, interesting ang produktong ito, nagpahayag naman ng opinyon ang ilang eksperto. Ayon kay Jennifer Gunter, gynecologist, concerned siya sa mga data ng user dahil maaari itong ma-hack. Dagdag pa rito, hindi na kailangan ng ganitong apparatus dahil kaya nang tantiyahin ng kababaihan kung gaano kalakas ang kanilang flow kada cycle.

Gayunman, ipinaliwanag ni Amanda na ang konseptong ito ay para sa convenience at mawala ang “period anxiety”.

Samantala, nabanggit naman sa Medical Daily (2016) na hindi puwedeng matingnan kung gaano karami ang laman ng tampon dahil nakasuot ito sa pribadong parte ng katawan kaya kung papakiramdaman lang ng user kung puno na ito o hindi, may tsansa na palitan ito agad kahit hindi pa dapat. Mai-tuturing na pagsasayang ang paraang ito, gayundin, hindi komportable para sa user.

Dagdag pa ni Amanda, ang imbensiyong ito ay makatutulong sa user na malaman kung kailan magsisimula ang period nito, gayundin, kung anong mga araw ang may malalakas na flow.

Oh, mga sis, sino ba ang mag-aakala na pati ang pag-iwas sa pagkakaroon ng leak o tagos ay high-tech na rin? Kung maibebenta man ito sa merkado sa iba’t ibang parte ng mundo, papatok kaya ito? Hmmm…

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page