top of page
Search
  • Maeng Santos

Grade 12 tumalon mula 12th flr. ng City Hall, patay


Dedo ang isang senior high school student matapos tumalon mula sa pinakatuktok ng gusali ng Malabon City Hall kahapon ng hapon sa Malabon City.

Nasa pagitan ng 16 hanggang 17 ang edad ng binatilyo at Grade 12 ng Ninoy Aquino National High School sa Bgy. Longos.

Alas-2:16 ng hapon nang bumagsak sa kalsada ng F. Sevilla Street, harapan ng gusali ng city hall sa Bgy. San Agustin, ang katawan ng biktima.

Ayon kay Malabon Police Chief P. Col. Jessie Tamayao, unang namataan ang biktima ng mga taong nasa labas ng city hall na nakatayo sa pinakatuktok ng 12-palapag na gusali, suot pa ang uniporme ng kanilang paaralan pasado alas-2:00 ng hapon na nakuhanan pa ng larawan ng mga nakasaksi.

Gayunman, sa hindi pa malamang kadahilanan ay biglang tumalon ang biktima na lumagapak sa lansangan na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 6 upang magkaloob ng seguridad sa lugar at mapigilan ang mga taong lumapit sa bangkay ng biktima.

Ani Col. Tamayao, patuloy ang kanilang pagsisiyasat sa naturang insidente para matukoy ang dahilan ng ginawang pagpapakamatay ng biktima.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page