top of page
Search
  • VA

Cruz at Ravena, abangan sa FIBA Asia Cup Qualifiers


May dalawang manlalaro ang NLEX Road Warriors sa PBA na nakatakdang maglaro sa unang window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers.

Ang isa sa mga nasabing players ay si Jericho Cruz matapos bigyan ng clearance ng International Basketball Federation (FIBA) para makalaro sa Guam National Men’s Basketball Team.

Ang 6-foot-1 combo guard ay hindi nakasama sa kampanya ng Road Warriors sa ginaganap na Phoenix Super Basketball Tournament dahil nag-training ito kasama ng Guam squad.

Hindi naman ito alintana ni NLEX coach Yeng Guiao dahil naniniwala siyang malaki ang maitutulong nito sa career ni Cruz.

Bukas na (Linggo) idaraos ang nag-iisang laro ng Guam sa first window kontra New Zealand sa homecourt nila sa Calvo Field House.

Kanselado ang isa pa nilang laro, isang riad game kontra Hong Kong dahil sa banta ng coronavirus (COVID-19).

Idineklarang eligible si Cruz na maglaro para sa Guam ng FIBA kahit naglaro ito sa Philippine team noong 2013 Southeast Asian Games dahil hindi naman sanctioned ang biennial meet ng world governing body ng basketball.

Dati nang naglaro si Cruz para sa Northern Mariana Islands youth team noong 2008.

Samantala, ang isa pang manlalaro ng NLEX na sasabak sa FIBA Asia Cup Qualifiers ay si Kiefer Ravena. Si Ravena ang itinalagang team captain ng Gilas Pilipinas sa ACQ. Nakatakda ring sumalang si Ravena at ang Gilas bukas sa kanilang road game kontra Indonesia sa Jakarta. Nauna nang nakansela ang una nilang laro kontra Thailand dahil din sa COVID-19.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page