top of page
Search
  • Gina Pleñago

Tumestigo sa GCTA.. BuCor Official niratrat, patay


Photo: CNN (left) - AbsCbn (right)

Tinambangan ang isang opisyal ng Bureau of Correction (BuCor) habang sakay ng kanyang minamanehong pick-up sa Muntinlupa City, kahapon.

Apat na tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktimang si Atty. Fredric Anthony Santos, suspindidong chief legal officer ng BuCor.

Sa inisyal na report, naganap ang pananambang ala-1:50 ng hapon sa Katihan Road sa Bgy. Poblacion.

Base sa pulisya, may 100 metro lamang ang layo nito sa entrada ng BuCor compound.

Lulan ang biktima ng kanyang Toyota Hilux pick-up at susunduin ang kanyang anak sa eskuwelahan na ilang metro rin ang layo sa lugar ng krimen nang mangyari ang pamamaril.

Pinagbabaril ng dalawang suspek ang sasakyan ng biktima.

Tinangka pa umanong takasan ng biktima ang mga salarin nang kabigin niya sa kabilang bahagi ng kalsada ang kanyang minamanehong sasakyan.

Hindi rin mabatid ng mga awtoridad kung anong uri ng sasakyan ang ginamit ng mga salarin sa kanilang pagtakas.

Narekober ang anim na basyo ng bala ng kalibre .45 habang may nakita ring dashcam sa kotse ni Santos pero, wala umanong laman na video footage dahil hindi ito gumana.

Batay sa rekord, noong Setyembre 2019 sinabi ni Santos sa hearing ng kontrobersiya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa Senate Blue Ribbon Committee na lahat ay nababayaran sa New Bilibid Prison (NBP) at may umiiral na ‘code of silence’.

Sinabi rin nito na halos 2,000 inmates ang napalaya ng BuCor mula noong 2013 sa ilalim ng GCTA Law.

Lumutang ang usapin kaugnay sa GCTA sa muntik na paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa New Bilibid Prison (NBP).

Nasuspinde si Atty. Santos at magbabalik sana sa kanyang trabaho sa Marso 12.

Matapos mabunyag ang pagpapalaya kay Sanchez, tinambangan din ang Non- Uniformed Personnel (NUP) na si Ruperto Traya, Jr, 53, Chief Administrative Officer 3 ng BuCor.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page