top of page
Search
  • Kuya Win Gatchalian

Magulong implementasyon ng batas sa libreng tuition, ayusin!


Sa kabila ng pagsasabatas ng libreng tuition para sa lahat ng pampublikong kolehiyo sa bansa o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931), nananatiling hamon pa rin ang implementasyon nito.

Batay sa pagsasaliksik ng government think tank na Philippine Institute for Development Studies (PIDS), hindi pa rin malinaw ang ilang mga panuntunan ng tinatawag na Free Tuition Law.

Nagkaroon ng kalituhan sa unang taon ng pagsasabatas nito, halimbawa na lang sa pagproseso ng mga dokumentong kailangang isumite ng mga mag-aaral at mga isyung may kinalaman sa paggasta ng budget para rito.

Dahil dito, naapektuhan ang Tertiary Education Subsidy (TES), isang programa na nagbibigay ng tulong-pinansiyal para matustusan ang pangangailangan sa mga aklat, pambayad sa transportasyon at tirahan ng mga estudyante.

Sa ilalim ng programang ito ay maaari ring makatanggap ng karagdagang panggastos ang mga mag-aaral na may kapansanan. Bukod dito, naantala rin ang paglabas ng mga pamantayan ng naturang batas.

May naging mga pagkakataon kung saan tapos na ang enrollment period noong inilabas ang guidelines. Kaya hindi na rin napakinabangan ng mga estudyante.

Dahil sa ilang mga pangyayaring ito, tinatawagan ng inyong lingkod ang Commission on Higher Education (CHED) at ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) na magkaroon ng mas malinaw na mga pamantayan para sa mas maayos na pagpapatupad ng nasabing batas.

Inaasahan nating bibigyan nila ito ng prayoridad sa lalong madaling panahon.

Mahalagang matutukan natin ang mga ito upang maging mas maayos na ang pagpapatupad ng batas sa mga susunod pang taon.

Noong nakaraang Disyembre, mahigit isang milyong mag-aaral mula sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad ang nagkaroon ng libreng matrikula sa pamamagitan ng ating batas.

Hangad nating madagdagan pa ito ngayong taon. Kaakibat ang CHED, mga paaralan, guro at magulang, naniniwala tayong mapagtitibay pa natin ang nilalaman ng batas para sa kapakanan ng kabataang Pinoy.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page