top of page
Search
  • Lolet Abania

Mga dahilan kung bakit dapat ingatan ang puso


Katatapos lang ng Araw ng mga Puso. Siguradong marami ang naging sobrang busy sa paghahanda sa kani-kanyang date at pagbibigay ng regalo sa partner. Puno ng excitement ang araw na nagkasama ang dalawang pusong nagmamahalan.

Alam ba ninyo na sa lahat ng parte ng katawan ng tao, ang puso ang may pinakamahalagang gawain bukod sa ating isip dahil kahit natutulog o gising, nagtatrabaho o nagpapahinga ang ating puso ay tumitibok ito nang kusa? Heto ang ilang kaalaman tungkol sa ating puso:

1. MUSCULAR ORGAN. Ang puso ay isang muscular organ sa gitna ng dibdib ng tao. Tuwing tumitibok ito, ang puso ay nagpa-pump ng dugo na naglalaman ng oxygen at nutrients na ibinibigay sa buong katawan at bumabalik bilang mga waste product. Ito rin ang nagsu-supply ng dugo para sa lahat ng parte na dapat at kinakailangan ng ating katawan. Kapag tumitibok ang ating puso, nagpapatunay lang na tayo ay buhay na buhay pa.

2. HEART RATE AT HEARTBEAT. Ang heart rate o bilis ng tibok ng puso ay batayan at indikasyon para malaman na may maayos na pangangatawan at kalusugan ang tao. Ito ang sumusukat kung ilang beses kada minuto ang dapat na pintig ng puso o heartbeat ng tao.

Gayundin, ang bilis ng heartbeat ng tao ay nakabase sa mga ginagawa niya, nararamdaman at iba’t ibang emosyon. Apektado ang tibok ng puso kapag masaya, nagulat, natatakot at nasosorpresa. Bumibilis ang pintig nito, kaya bumibilis din ang paghinga para makakuha ng maraming oxygen.

Kung ang katawan ay relaxed, ibig sabihin, nasa resting o normal heart rate ang iyong puso. Pero kahit normal ang iyong heart rate, hindi masasabing wala kang problema sa kalusugan. Ang puso lamang ang nagbibigay-daan para malaman agad kung ano ang nararamdaman o maaaring sakit na tinataglay ng iyong katawan.

3. RESTING HEART RATE AT RHYTHM. Ang normal heart rate ng sanggol hanggang 9-anyos ay 70-110 beat kada minuto. Subalit, kapag tumungtong ng edad 10 hanggang sa pagtanda, ang kinakailangang tibok ay 60-100 beat per minute (bpm) dahil ito ang normal heart rate ng tao. Ang mga atleta ay nagtataglay ng mainam na resting heart rate dahil mababa sa 60 o 40 bpm ang pintig ng kanilang puso.

Hindi lang heart rate ang mahalaga, importante rin ang rhythm o lakas at hina ng kabog ng puso. Kung irregular ang heartbeat, senyales ito na may malubhang kondisyon ang kalusugan. Magandang ma-monitor palagi ang ating heart rate upang sakaling magkaroon ng problema sa kalusugan ay mapipigilan ang maaaring kumplikasyon sa puso.

4. ARRHYTHMIA O IRREGULAR HEARTBEAT. Ang arrhythmia ay kondisyon kung saan nakararanas ng hindi regular na pagtibok ng puso ang tao. Ayon sa mga doktor, maaaring maging mabilis o mabagal ang tibok ng puso ng taong nakararanas ng arrhythmia.

Nakararamdam din ito ng malakas na kabog at sa iba ay parang tumatalun-talon ang puso. Bagama’t, hindi nakamamatay ang pagkakaroon ng arrhythmia, nagiging mapanganib lamang ito kapag nakararamdam na ng pagkahilo, minsang pagdidilim ng paningin at paninikip ng dibdib.

5. PACEMAKER. Ang arrhythmia ay hindi sakit ng matatanda, karaniwan lang ito sa mga may edad na. Hindi kailangang matanda na para magkaroon ng ganitong sakit dahil kahit bata pa, kung makararanas ng irregular heartbeat, malamang ay may ganito siyang kondisyon sa puso.

Mayroong mga gamot na maaaring inumin para sa mga taong may arrhythmia na ang kondisyon ay mabilis ang tibok at malakas na kabog ng puso. Ito ay inirereseta ng mga doktor para mapabagal o maging normal ang pintig ng puso nila at kapag mabagal naman ang tibok ng puso, kailangan niyang gumamit ng pacemaker dahil walang gamot na magpapabilis o magpapa-normal sa pintig ng puso.

Ang pacemaker ay maliit na device na inilalagay sa balikat at may wire na ipinapasok sa puso. Binabantayan ng pacemaker ang heartbeat at kapag walang heartbeat, naglalabas siya ng kuryente para patuloy na tumibok ang puso.

Ang puso ang isa sa pinakamahahalagang bahagi ng ating katawan. Dapat nating iwasan ang pagkaing makasasama sa ating puso tulad ng mamantika at matataba, maaalat at sobrang tamis, pati na ang pag-inom ng alak at paninigarilyo.

Iwasan din natin ang mga gawaing hindi nakatutulong sa ating puso tulad ng pagpupuyat, sobrang pagtatrabaho at walang pahinga, matinding galit at takot. Mas mainam na kumain ng pagkain na mayaman sa Omega-3 fatty acids tulad ng salmon, oatmeal, blueberries, strawberries at iba pang berries, dark chocolate, citrus na prutas, tofu at soy milk at nilagang patatas. Ugaliin din ang mag-ehersisyo.

Puso ang nagtuturo sa atin ng iba’t ibang damdamin at emosyon, higit sa lahat, ang magmahal. Ito rin ang huling parte ng katawan na magsasabing patuloy tayong mabubuhay kapag ito ay tumitibok, kaya alagaan natin ang ating puso dahil nag-iisa lang ito at hindi puwedeng mapalitan. Gets mo?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page