top of page
Search
  • Twincle Esquierdo

Basura no more.. Plastic na natutunaw sa tubig, naimbento na

Ayon sa mga eksperto, 500 taon ang itinatagal ng plastic bago ito matunaw. Gayundin, ito ang isa sa mga dahilan ng pagbaha at tambak ng basura kaya naman nagsimula nang umaksiyon ang lokal na pamahalaan sa iba’t ibang lungsod.

Halimbawa na rito ang pagbabawal sa mga single-use plastic sa hotel at restoran, plastic bag sa mga pamilihan kaya paper o eco bag ang ginagamit.

Pero alam n’yo ba na may naimbento nang plastic bag na natutunaw kapag inilubog sa tubig? Weh, ‘di nga?

Naimbento ang SoluBag o biodegradable bag na kapag binasa o inilubog sa tubig sa loob ng limang minuto, ito ay matutunaw.

Ayon kay Roberto Astete, co-founder at co-CEO ng Chilean company na nakaimbento ng SoluBag, nais nilang gumawa ng disposable plastic na walang masamang epekto sa kalikasan dahil napansin nila na ang mga basura ay itinatapon sa dagat at ito ang dahilan kung bakit nalalason ang mga isda at ang iba pang species.

Anila, gawa ito sa polyvinyl alcohol (PVA) na isang sangkap na natutunaw sa tubig, calcium carbonate at natural gas na hindi nakaaapekto sa kapaligiran.

May dalawang uri ng SoluBag kung saan ang isa ay basic version na natutunaw sa malamig na tubig at ang isa naman ay premium version na natutunaw sa mainit na tubig.

Sa ngayon ay nakatuon sila sa paggawa hindi lamang ng SoluBags kundi pati na rin ng bote at straw na gawa sa plastic.

Kung ang dating plastic ay tumatagal ng halos 500 taon para matunaw, ang Solubag ay nangangailangan lang ng limang minuto para tuluyang matunaw.

Layon ng kumpanya na palitan ang plastic dahil karamihan sa ating mga basura ay hindi na puwedeng mai-recycle pa, gayundin, nais nilang mapanatili ang kalinisan ng yamang tubig.

Una nang nagpanukala ng “zero plastic waste” ang Chile na sinundan ng Canada, US Califonia at ngayon ay unti-unti na ring ginagawa sa Pilipinas.

Hayan, mga ka-BULGAR, hindi porke't plastic ay nakasasama na sa kalikasan dahil sa sipag at tiyaga ng ilan, nakaimbento sila ng plastic na hindi makasisira sa ating yamang tubig, gayundin, hindi nangangailangan ng daan-daang taon para tuluyang mawala sa mundo.

Pero ,mga besh, ang kalinisan ng ating kapaligiran ay hindi lang dapat iasa sa mga ganitong uri ng imbensiyon dahil kailangan ng pagkakaisa para maging matagumpay ito. Gets mo?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page