Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Produktong tatak-Pinoy, palalakasin para sa mas maunlad na Pilipinas

February 15, 2020

 

Sonny Angara / Agarang Solusyon

 

Kapag ang ekonomiya ng bansa ay umaalagwa at patuloy na umaalagwa, walang ibang makikinabang dito kundi ang sambayanan. 

 

Ibig sabihin,  umuunlad tayo.  Pero wala nang sasarap pa sa pakiramdam na umuunlad tayo dahil malaki ang naitutulong ng lokal na negosyo — ‘yung sariling atin.

 

‘Yan ang dahilan kung bakit seryoso tayo sa pagsusulong ng Tatak-Pinoy — mga produkto at serbisyong gawang Pinoy. 

 

Bilang tayo ang chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak nating madaragdagan ang pondo ng Department of  Trade and Industry (DTI) ngayong taon.

 

Ito ay para maisakatuparan ng ahensiya ang lahat ng kanilang proyekto at programa sa kalakalan at industriya ng bansa.  

 

Mula sa P6.1 bilyong pondo nito noong 2019, itinaas ang DTI budget sa ilalim  ng 2020 National Budget sa P7.98 bilyon. 

 

Taun-taon, sinisikap nating dagdagan o taasan ang budget ng DTI para  sa mahahalaga nilang programa. Sakop ng pondong ito ng ahensiya ang kanyang attached agencies. 

 

Isa ang Shared Service Facilities (SSF) project sa mahahalagang  proyekto ng DTI na pinaglaanan ng P574 milyon. 

 

Layunin nitong linangin ang kalidad ng mga micro, small at medium enterprise sa bansa sa pamamagitan ng accessibility sa processing machines at sa mga kinakailangan nilang makinarya.

 

Ang operasyon ng SSF ay nagsimula noong 2013 pero sa pagdaan ng panahon, napatunayan nilang epektibo sila sa pagsusulong ng MSMEs, partikular ang mga nasa industriya ng pagkain. 

 

Para sa mga Negosyo Center  sa  iba’t ibang panig ng bansa, naglaan ang DTI ng halagang P790.7 milyon upang matulungan din ang MSMEs na mapalakas ang kani-kanilang negosyo sa pamamagitan ng financial at credit assistance, gayundin sa pamamagitan ng market information. 

 

Dagdag P200 milyon naman ang mapupunta sa One Town, One  Product o OTOP Next Gen Program.  Nilalayon nitong mas maiangat  pa  ang kalidad ng mga produkto at serbisyo ng bansa sa pamamagitan ng innovation. 

 

Dito ay magagawa nating maging marketable  ang ating mga produkto. Ilan lamang ito sa ating mga hakbangin para lubusang maitaguyod ang ating Tatak-Pinoy campaign. 

 

Layunin natin dito, hindi lang para isulong ang mga produktong Pinoy kundi para mapalaganap ang mga prosesong bumubuo sa mga ito, mabigyan ng kaukulang pagpapahalaga ang mga  produktong Pinoy  na  ini-ex-port at higit sa lahat, makalikha ng trabaho at iba’t ibang oportunidad para sa ating mga kababayan.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr