Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Limang "M" na dapat iwasan para maging makabuluhan ang buhay

February 15, 2020

Fr. Robert P. Reyes / KaPaaYapaan

 

Halos mapuno ang Simbahan ng San Bartolome sa Magalang, Pampanga ng mga paring dumalo at nakiisa sa huling misa para kay Fr. Danilo Bermudo noong Lunes, ika-10 ng Pebrero, 2020. 

 

Kitang-kita ang pagmamahal ng mga pari sa kanilang kapatid. Ito ang tinatawag sa Ingles na “priestly fraternity” o ang kapatiran ng mga pari. Gayundin, naroroon ang pagmamahal ng ina at mga kapatid ni Fr. Danny sa kanya — ang pagmamahal sa pamilya. 

 

Naroroon din ang pagmamahal at pakikiisa ng kanyang mga kapatid na pari, dating kaeskuwela, kasamang pari sa diyosesis ng Malolos at San Fernando, Pampanga; mga kasama sa “Levites”; ang banda ng mga paring mang-aawit ng diyosesis ng Malolos, Bulacan; ang pag-ibig ng mga dating estudyante sa seminary; pagmamahal ng guro at estudyante, at dahil sa matagal nang debosyon at pasyon ni Fr. Danny sa pag-awit, ang pagmamahal sa musika at sining at marami pang ibang uri ng pagmamahal na bumubuo sa pagmamahal sa buhay at sa Diyos na lumikha ng lahat ng buhay.

 

Samantala, noong nakaraang linggo, sa isang panayam natin sa kabataan, ipinaliwanag natin ang limang “M” na kalaban ng pagmamahal — ang marumi, malayo sa kapwa at Diyos, makasarili, matigas ang loob at ayaw magbago at manhid o walang pakialam sa kapwa. 

 

Una, ang “marumi” ay hindi lang tungkol sa katawan kundi sa isip, puso, diwa at kaluluwa. Nakikita ito sa pananalita, kilos at pagtingin kaninuman o anuman. Kung mahal natin ang Diyos, mabuhay tayo nang may kalinisan — sa katawan, sa kalooban, sa kalikasan, sa lipunan, sa politika at iba pa.

 

Ikalawa, ang “malayo sa kapwa at sa Diyos.” Sa pag-usbong ng “digital age”, halos lahat tayo ay madali nang maka-access sa virtual world kung saan hindi buo ang ating araw kapag hindi tayo gumamit ng cellphone o anumang gadget, kapag hindi natin nasilip ang ating mga social media accounts o sa madaling salita, kapag hindi tayo nakapaglalaan ng oras sa modernong teknolohiya. Subalit, sa kabila nito, unti-unti na rin nating nakalilimutan ang ating sarili at ang nakalulungkot, maging ang Diyos ay hindi na rin natin mabigyan ng panahon. 

 

Ikatlo, ang “makasarili”, ito ang sakit ng labis na magmahal sa kapangyarihan at kayamanan. Ganito ang ugali ng mga malulupit at marahas na asawa, mga magulang, guro, taong-simbahan at namumuno sa pulitika.

 

Ikaapat, “matigas ang loob at ayaw magbago.” Ang taong matigas ang loob at ayaw ng pagbabago ay ang mga tao na walang pagpapahalaga sa buhay dahil ang pagbabago ay isang bagay na hindi mahahadlangan ng sinuman sa atin. 

 

At ang ikalima, ang “manhid” o walang pakialam sa kapwa. ‘Ika nga, “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.” Tayo ay nilikha upang maging kapaki-pakinabang sa ating kapwa dahil ito ang nais ng Diyos para sa atin.

 

Panatilihin natin ang kalinisan sa katawan, paligid at sa ating kalooban.

Maging malapit tayo sa kapwa at sa Diyos dahil ito ang dapat, ito ang tama.

 

Buksan natin ang sarili sa iba dahil ang mabuting pakikipagkapwa ay higit pa sa kayamanan na ating makukuha. Ang pagiging bukas sa pagbabago ang isa sa mga bagay na importanteng gawin para maging maunlad tayo. At higit sa lahat, maikli lamang ang buhay kaya gawin natin itong mas makabuluhan, maging mulat tayo sa mga tama at mali para sa ikabubuti ng sarili at ng ating kapwa.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr