Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Edad 10-14, nabubuntis dahil sa impluwensiya ng TV, internet at social media

February 15, 2020

Maagang pagreregla, nahihiyang magtanong sa mga nakatatanda tungkol sa sex, child marriage at internet access. 

 

Ilan lamang ito sa mga nakikitang dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga ‘very young  adolescent’ o mga nasa edad 10 hanggang 14 na nanganganak.

 

Ayon sa Commission on Population Development o POPCOM, base sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula sa 1,958 births noong 2017 ay umakyat ito sa 2,250 noong 2018. Mula naman noong

2011 na may 1,381 ay umakyat ito ng 63% noong 2018 o 2,250. 

 

Patunay ito na iba na talaga ang panahon ngayon at marami nang pagbabago. Bagay na hindi naman natin mapipigilan pero dapat nating sabayan tulad nitong isyu sa pagbubuntis. 

 

Noon, kahit sabihin nating dinatnan na ang babae, hindi pa rin agad nawawala ang kanyang ‘pagkabata’, gayundin ang kanyang pagdepende sa mga magulang o nakatatanda. Marami pa ring tanong at takot.

 

Pero ngayon, matuto lang na gumamit ng cellphone o computer, napakarami nang natutuklasan at nalalaman na umaabot sa punto na ang mga magulang naman ang tila napag-iiwanan.

 

Dito na nagkakaroon ng puwang sa pagitan ng magulang at anak o ng matanda sa bata. Sa puwang na ito pumapasok ang napakaraming impluwensiya — napapanood sa TV, nakikita sa internet, nakikilala sa social media at marami pang iba. Pagkakataon na kung hindi natin masusubaybayan ay baka nga mauwi sa mga hindi inaasahang sitwasyon tulad nitong maagang pagbubuntis. 

 

At naniniwala tayo na ang edad na 10-14 ay kaya pa nating makausap nang masinsinan. Tulad ng isang nakitang dahilan kung nahihiya silang magtanong ng tungkol sa sex, tayo na ang gumawa ng paraan. Mag-isip tayo ng diskarte kung paano sila hindi maiilang na pag-usapan ito. 

 

Ganundin sa paggamit ng internet. Ipaliwanag natin ang mabuti at masamang naidudulot nito lalo na pagdating sa kanilang pansariling kapakanan. Namamayagpag pa rin ang malalaswang babasahin at mga pornographic website na kabilang sa mga nagiging tukso sa paningin ng kabataan.

 

Muli, hindi natin mapipigilan ang panahon at ang napakaraming pagbabago, pero puwede pa rin nating gabayan ang mga bata para hindi maligaw ng landas.  At sana, maging katuwang din natin ang gobyerno sa hamong ito.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr