top of page
Search
  • Shane Ludovice

Mga senyales na delikado na ang pagtatae ng bata

Dear Doc. Shane,

Dalawang araw nang nagtatae ang 3-anyos kong anak. Hindi ko pa siya napapa-check-up kaya nag-aalala ako na baka ma-dehydrate siya dahil medyo matubig ang kanyang dumi. Ano ba ang dapat kong gawin? - Inday

Sagot

Ang tiyan ng mga bata ay maselan kaya mabilis silang madale ng mga bakterya, virus o mga organismo na nagdudulot ng pagtatae. Ang diarrhea o pagtatae ay normal na bahagi ng paglaki subalit, kailangang alisto ang mga magulang sapagkat may ilang uri ng pagtatae na delikado at kinakailangang maipatingin agad sa doktor o ospital.

Ang mga sumusunod ay mga nakaaalarmang palatandaan ng pagtatae na kailangang ipatingin sa doktor:

  • Lagpas na ng tatlong araw at hindi pa nawawala

  • May kasamang dugo ang pagtatae

  • May kasama na itong pagsusuka

  • Tila wala itong ganang kumain

  • Maputla at nanghihina

  • May mataas na lagnat o lagnat na higit sa isang araw

  • Hindi nito kaya o wala itong ganang uminom ng tubig

  • May iba pang kakaibang sintomas

Kung pagtatae lamang ang nararanasan at hindi naman matamlay ang bata, ang pinakamahalagang dapat gawin ay painumin siya ng maraming tubig at iba pang likido upang hindi siya mawalan ng tubig sa katawan o ma-dehydrate. Makatutulong ang pag-inom ng ‘oral rehydration salts’. Ang prinsipyo rito ay kung anumang nawalang tubig sa katawan ay dapat mapalitan ng katumbas na tubig. Ang mineral at zinc ay nakatutulong din, puwedeng painumin ang bata ng multivitamin syrup na may zinc.

Maging maselan sa pagpunas ng puwit ng bata na nagtatae sapagkat puwede itong masugatan kung patuloy ang pagtatae.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page