Hindi naman lahat ay may dyowa, tama ba? Kaya ang iba ay nalulungkot na wala silang makaka-date sa Araw ng mga Puso dahil hindi nila mararanasan o mararamdaman na sila ay special dahil wala silang karelasyon.
Pero alam n’yo, hindi lang naman dyowa ang puwede n’yong maka-date para maging masaya. Narito ang ilang tao na puwedeng maka-date:
1. PAMILYA. Hindi lang tuwing Pasko at Bagong Taon maaaring makumpleto ang pamilya dahil puwede n’yo rin silang i-date ngayong V-Day. Siguradong mas magiging masaya ang Valentine’s Day ninyo kaya naman ‘wag kayong magdalawang-isip na gawin ito dahil magiging bonding n’yo na ito at tiyak na buo naman ang inyong pamilya.
2. MGA KAIBIGAN. Siyempre, lahat tayo ay may kaibigan. Para sa mga may lihim na pagtingin sa kaibigan d’yan, ito na ang inyong pagkakataon para magtapat sa kanya, ngunit dahan-dahan lang dahil baka ma-awkward ang friend mo at masira ang pagkakaibigang binuo ninyo.
3. KATRABAHO. Ang mga katrabaho mong single, oks ding maka-date para naman hindi kayo puro trabaho sa araw na ito. Gayundin, lalong lalalim ang inyong pagsasama at mas makikilala ninyo ang isa’t isa. Kaya yayain ang mga beshy mo sa opisina at pagplanuhan na ang inyong pagde-date.
4. ALAGANG HAYOP. Kung may alaga kang aso o pusa, puwedeng-puwede na kayong mag-date dahil nakatutuwa rin namang makasama sila sa espesyal na araw na ito. For sure, magiging happy kayong dalawa.
5. SARILING DATE. Hindi mo naman kailangang mainggit o malungkot sa Araw ng mga Puso dahil puwede mong i-date ang iyong sarili o mag-me time.
Sa mga single r’yan, minsan, kailangan muna nating mahalin ang ating sarili bago ang iba kaya naman, ‘wag kang malungkot o mainggit dahil darating din ang taong para sa iyo.
Kaya mga ka-BULGAR, hindi lang ang mga may karelasyon ang magiging masaya sa Valentine’s Day dahil ang mga mahal mo sa buhay o nakapaligid sa iyo ang maaari mong maka-date.
Gayundin, hindi lang sa Araw ng mga Puso puwedeng iparamdam ang pagmamahal mo sa kanila dahil kaya mo itong gawin araw-araw. Okie?