top of page
Search
  • Daing Mula sa Hukay

OFW na pinagpasapasahan ng employer, ni-rape pa ng may-ari ng agency, sinaklolohan ng PAO


PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

Kamakailan, ang Public Attorney’s Office (PAO) ay rumesponde sa daing ng ating kababayan na isa sa mga tinaguriang “Bagong Bayani” ng ating bansa. Tama, siya ay isang Overseas Filipino Worker (OFW) na dumaing sa hirap, kahalayan at hindi masikmurang pang-aabuso na kanyang naranasan sa bansang dating pinagtatrabahuhan.

Sa pagkakataong ito, ang ating kolum ay magbibigay-daan sa kuwento at kaso ng kababayan nating nabiktima. Hindi man siya napaslang nang dahil sa bagsik ng bakuna na dokumentado nang may mga namatay dahil sa side-effects nito, naranasan naman niya ang uri ng pang-aabuso na naghatid na sa maraming biktima ng kamatayan at/o side-effects na matagal nang ininda ng kanilang katawan at isipan. Siya ay ikukubli natin sa pangalang “Gina” na dating nagtrabaho bilang household service worker.

Nakaalis si “Gina” ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang agency dito sa bansa, katuwang ng agency sa bansang dati niyang pinagtatrabahuhan, na tawagin na nating “ABC Agency”. Pagdating niya sa airport, may lalaking sumundo sa kanya na nagtatrabaho sa ABC Agency.

Dinala siya nito sa kanilang bahay at pinagtrabaho nang walang bayad ng apat (4) na araw. Pagkaraan nito, mayroong sumundo sa kanya na akala niya ay magiging employer na niya, ngunit nagkamali siya. Ibinigay siya nito sa isang tao kung saan pinagtrabaho siya ng tatlong (3) araw.

Isang gabi, bandang alas-10:00, sinundo si “Gina” ng kanyang employer. Nangyari ito pagkatapos niyang magtrabaho sa iba’t ibang employers nang walang bayad. Ilang beses tinawagan ng ABC Agency ang nasabing employer ni “Gina”, ngunit ito ay nagsabing nasa ibang bansa siya kahit siya ay naroon lamang sa bansang dating pinagtrabahuhan ni “Gina”.

Hindi lamang siya nakuha agad dahil hindi pa niya nababayaran ang lahat ng fees na kailangang bayaran sa agency. Nalaman lamang ni “Gina” ang lahat ng ito sa kasambahay ng kapatid ng kanyang employer.

Pagkasundo kay “Gina” ng kanyang employer, dinala siya nito sa bahay ng ina nito na maysakit. Ani “Gina”:

“Ako pala ang mag-aalaga sa kanyang ina na hindi ko naman kayang gawin at hindi nakasaad sa aking kontrata. Unang linggo ko pa lang sa bahay, nahirapan na ako dahil palagi akong kinagagalitan ng nanay ng employer ko.

Parati akong pinagbubuhat ng mabibigat, hindi ako binibigyan ng sapat na pagkain at hindi man lang ako mabilhan ng mga gamit para sa personal na pangangailangan ko.

Hindi rin ako nakakatulog nang maayos dahil tatlo hanggang apat na oras lang ako pinapayagang magpahinga sa isang araw. Nakikigamit lang din ako sa WiFi sa kabilang bahay na hindi alam ng employer ko kaya ako ay nakakagamit ng cellphone nang patago.”

Dagdag pa rito, pinakitaan din si “Gina” ng hindi maganda ng ilan sa mga kamag-anak ng employer niya. Narito ang ilan sa mga hindi kanais-nais na karanasan niya hinggil dito:

“Muntik na akong masaksak ng isa pang pamangkin ng aking employer nang hindi ko siya agad napuntahan nu’ng ako ay kanyang tinatawag. Pinuntahan niya ako sa kusina at hinila ang damit ko habang umiinom ako ng tubig.

Hinayaan ko lang na hilahin niya ang damit ko, ngunit natakot at nagulat ako nang kumuha siya ng kutsilyo at isasaksak niya sana sa akin, ngunit sumigaw ako at humingi ng tulong sa kasambahay ng kapatid ng employer ko.

Tumakbo ako sa ibaba kung saan nandu’n ang ina ng aking employer, ngunit kinampihan lamang niya ang anak at ang apo niya.

Pagkatapos ay hindi pa rin natapos ang pambabastos niya sa akin. Patuloy pa rin niya akong sinisilipan kapag ako ay naliligo. Takot na takot ako nang apat na beses na itong mangyari. Natakot ako dahil manyakis siya at baka mapatay nila ako sa bahay nila.”

Gustung-gusto na ni “Gina” na takasan ang napakahirap na kalagayan na kanyang napasukan, ngunit tinatakot siya ng mga nagmaltrato sa kanya na pagbabayarin siya ng halaga na katumbas ng nagastos nila kay ‘Gina’.

Kung iko-convert sa Philippine peso ang halagang nabanggit ni “Gina”, ito ay aabot sa humigit-kumulang P340,000. Nais man ni “Gina” na pumunta sa ABC Agency ay hindi niya magawa dahil tinatakot din siya na ipapupulis kapag hindi nabayaran sa kanila ang naturang halaga. Nang naipaabot na ni “Gina” sa agency niya rito sa Pilipinas at ABC Agency ang kanyang kalagayan, sa kasamaang-palad, siya ay tila nakipag-usap lamang sa hangin. Ani Gina: “Hindi nila pinapansin ang aking sumbong at hindi nila ako inilipat sa ibang employer. Wala po silang ginawa upang tulungan ako.”

Dahil dito, gumawa siya ng paraan para makahingi ng tulong sa ibang tao. Nalaman niya ang pangalan ng isang ginoo na isa ring kababayan, naipaabot niya rito ang kanyang kalagayan at pakiusap sa pamamagitan ng recorded video. Ito ang nagsilbing daan para sunduin ng ABC Agency si “Gina” sa bahay ng employer niya. Pagkatapos nito, siya ay dinala sa bahay ng may-ari ng ABC

Agency na nasundan ng pagtungo nila sa opisina ng naturang ahensiya upang doon isagawa, bagama’t, mabigat sa kanyang kalooban, ang mga iniutos sa kanya ng nasabing may-ari. Ani “Gina”:

“Nagtungo kami sa opisina ng agency upang iatras ang aking report sa pang-aabuso sa akin ng una kong employer na isinumite ko sa Philippine Overseas Labor Office (POLO). Kinuhanan ako ng video habang nagsusulat na hindi ako magrereklamo, magsasampa ng kaso at maghahabol sa anumang money claim. Isinagawa ko ang nasabing sulat dahil sa takot kong masaktan at tuluyang hindi makauwi ng Pilipinas.”

Tila nagsilbing kapalit ng pagbawi niya sa nauna niyang paggamit at pagtatanggol ng kanyang karapatan ang kanyang plane ticket pauwi. Ani “Gina”: “Napilitan sila na mabigyan ako ng ticket pabalik ng Pilipinas.” Ngunit, habang hindi pa siya nakararating sa Pilipinas, ang kanyang mga paa ay nasa dayuhan pang lupain, tila hindi matapus-tapos ang kanyang mga pasanin.

Makulit at masakit na sumusundot sa isipan ni “Gina” ang kasuklam-suklam na alaala niya hinggil sa isang gabing nagdaan na masahol pa sa bangungot dahil ito ay nanggagambala kahit sa umaga. Narito ang bahagi ng pagtatapat ni “Gina” sa kasamaan at kalupitang sinapit niya sa kamay ng may-ari ng ABC Agency:

“Bandang alas-6:00 ng gabi ay sinundo ako ng may-ari ng agency upang magpunta sa opisina nila para mag-thumbmark, ngunit laking-gulat ko nang dinala niya ako sa isang bahay. Binuhat niya ako mula sa kotse patungo sa loob ng bahay nang ako ay tumangging pumasok. Pinilit niya akong pumasok sa kuwarto habang siya ay nakasuot lang ng shorts. Puwersahan niya akong tinanggalan ng damit.”

Nagawa ng may-ari ng ABC Agency ang panghahalay kay “Gina” sapagkat anang huli: “Malaki ang kanyang pangangatawan. Pinagbantaan din niya ako na kapag hindi ko ginawa ang mga ipinapagawa niya sa akin ay lalatiguhin niya ako. Kapag tumatanggi akong gawin ang gusto niyang ipagawa ay sinasakal at inaambahan niya ako ng suntok.

Pagkatapos ay pinagbantaan niya akong huwag magsumbong sa kanyang mga magulang. Mariin niyang sinabi na ako ay kanyang papatayin at sasaktan kapag ako ay nagsumbong.

Matapos niya akong pagbantaan ay sinabihan niya akong magbihis na ng aking damit at dinala na niya ako sa kanyang bahay kung saan nakatira ang kanyang pamilya.”

Pagdating ni “Gina” at ng dayuhang may-ari ng ahensiya sa bahay ng huli, diretsong tinungo ng una ang kanyang kuwarto at tinawagan niya ang nabanggit na sa artikulong ito na isang ginoo na pinadalhan ni “Gina” ng video kung saan humihingi siya ng saklolo.

Kapuri-puri ang presence of mind at katatagan ng kalooban ni “Gina” sa mga oras na ‘yun na akin ding naobserbahan at patuloy na hinahangaan sa kanya mula pa nang dumulog siya sa aming tanggapan. Pagkatapos na makausap ni “Gina” ang ginoong kanyang tinawagan ay hindi na siya lumabas sa kuwarto hanggang sa inihatid siya ng may-ari ng ABC Agency, ang buhong na humalay sa kanya, sa airport ng bansang dati niyang pinagtatrabahuhan. Pagdating niya sa Pilipinas, nagpasya siya na humingi ng tulong sa Public

Attorney’s Office (PAO).

Narito ang bahagi ng salaysay ni “Gina” tungkol dito:

“Mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa tulong ni Ginoo (hindi pinangalanan), ako ay agad na nagtungo sa kanilang opisina sa DOJ Agencies Building, NIA Road corner East Avenue Street, Diliman, Quezon City.

Pinagbigyan naman ng PAO sa pamamagitan ni Chief Persida V. Rueda-Acosta ang aking hinihinging tulong-legal. Ako ay inendorso niya sa PAO Forensic Laboratory Division upang maisagawa ang kinakailangang medico-legal examination. Ang sumuri sa akin ay sina Dr. Erwin P. Erfe, Dr. Alexis Angelo Sulit at Dr. John King Soliman kasama ang ibang PAO Forensic Team.”

Sa kaso ni “Gina”, muling napatunayan ang kahalagahan ng PAO Forensic Laboratory Division (PAOFLD) na may makabuluhang papel na ginagampanan sa Republic Act No. 8353 o ang “Anti-Rape Law”. Noong nakaraang taon, may 3,410 kababaihan na naging biktima ng rape na nagtiwala sa kakayahan ng PAO at PAOFLD, gayundin sa taos-pusong pagmamalasakit ng huli sa kanilang sinapit at pagsusulong na makamit nila ang katarungan. Ang mga partikular na kliyenteng ito ng PAO ay naging beneficiaries ng mga sumusunod na libreng serbisyo ng aming tanggapan:

Uri ng Serbisyong Bilang PAO sa RAPE CASES Judicial services 1,319 Non-judicial services 2,091 Total 3,410

Sa abot ng aming makakaya, tutulungan namin si “Gina” na makamtan ang katarungan sa matindi niyang pinagdaanan sa dayuhang bansa na pinagtrabahuhan. Safe, fair and ethical mula recruitment hanggang sa aktuwal na pagtatrabaho sa ibang bansa ang standard sa overseas employment na nais nating maisagawa, maipatupad at maipaglaban sa tuwina kung kinakailangan. Malinaw na naging mailap ang mga kongkretong kahulugan nito kay “Gina” at sa katulad niyang rape victim.

Nawa sa pagsisikap nilang magkaroon ng panibagong yugto sa kanilang mga buhay ay matulungan natin silang maranasan kung paano magtrabaho, mag-aral, gumalaw at lubusang mabuhay sa kapaligirang ligtas (safe), patas (fair) at naaayon sa moralidad ang nilalandas (ethical).

(Itutuloy)

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page