top of page
Search
  • BULGAR

Natanggal o nawalan ng trabaho, may perang puwedeng makuha sa SSS

Dear SSS, Magandang araw! Mayroon akong nais malaman tungkol sa bagong benepisyo mula sa SSS. Umalis ako sa dati kong kumpanya noong March 15, 2019. Mayroon akong nakitang posts tungkol sa SSS unemployment benefit. Maaari ba ninyo itong talakayin? Salamat po. - Ed

Sagot Maraming salamat sa pagpapadala ng katanungan hinggil sa pinakabagong benepisyong ibinibigay ng SSS sa mga nawalan ng trabaho.

Isa sa mga pinakabagong probisyon sa ilalim ng Republic Act 11199 (Social Security Act of 2018) na ipinatupad mula noong March 5, 2019 ay ang pagbibigay ng Unemployment Benefit para sa mga employed, kasambahay at maging sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na mga miyembro ng SSS, bunsod ng kanilang involuntary separation sa kanilang mga employers o kumpanya.

Pangunahing layunin nito na makapagbigay ng ayudang pinansiyal para sa mga miyembrong nawalan ng trabaho at kita upang masuportahan ang kanilang sarili at pamilya.

Ang Unemployment Benefit ay ang ikapitong benepisyo ng SSS kabilang ang benepisyo sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing o pagkamatay. Ito ay cash allowance na ibinibigay katumbas ng kalahati ng kanilang average monthly salary credit (MSC) sa loob ng dalawang buwan. Isang beses lamang kada tatlong taon maaaring mag-apply sa benepisyong ito. Kung sakaling magkaroon ng magkasabay na dalawa o higit pa na pagkawala sa trabaho sa parehong panahon, ang pinakamataas na benepisyo lamang ang babayaran ng SSS.

Upang ma-qualify sa benepisyong ito, kinakailangan na ang miyembro ay hindi hihigit sa 60 taong gulang. Para naman sa underground at surface mine workers, hindi dapat higit sa 50 taong gulang at 55-anyos naman sa mga racehorse jockeys. Dapat nakapagbayad din ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon kung saan ang 12 kontribusyon ay naibayad sa loob ng 18 buwan bago ang buwan na siya ay nawalan ng trabaho.

Halimbawa, ang isang miyembro na naghuhulog sa P16,000 monthly salary credit kada buwan, ang kalahati ng kanyang MSC ay P8,000. Sa loob ng dalawang buwan ay makatatanggap siya ng P16,000 (P8,000 x 2).

Dagdag pa rito, ang pagkakatanggal sa trabaho ay dapat bunga ng legal na paraan ng pagkakatanggal ng manggagawa na naaayon sa Labor Code of the Philippines. Kabilang dito ang paglalagay ng labor-saving devices ng kumpanya, redundancy, retrenchment, pagsasara o pagtigil ng operasyon ng kumpanya at pagkakaroon ng sakit o karamdaman na hindi na pinahihintulutan ng batas na makapagtrabaho pa. Gayundin ang pagkakatanggal sa trabaho bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya, pagtama ng kalamidad at iba pang kahalintulad na kadahilanan na maaaring tukuyin ng SSS at Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa mga kuwalipikadong miyembro, maaaring mag-file sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar sa Pilipinas. May prescriptive period ito na kailangang mai-file lamang sa loob ng isang taon mula sa petsa ng pagkawala ng kanyang trabaho. Kinakailangang magpasa ng orihinal at photocopy ng dalawang valid IDs, sertipikasyon na magpapatunay ng dahilan at araw ng pagkatanggal sa trabaho mula sa DOLE sa pamamagitan ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) o regional offices nito, kung OFW ang miyembro. Kalakip din ng sertipikasyon ang Notice of Termination mula sa employer o Affidavit of Termination of Employment.

◘◘◘

Patuloy naming ipinaaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa inyong lugar para sa inyong mga aplikasyon. Makahihiram kayo hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon.

 

Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng email sa mediaaffairs@ sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page