top of page
Search
  • Mylene Alfonso

Palpak ang serbisyo, ginagamit sa ilegal.. Mga courier services, lagot!


Bukod sa reklamong tumatakbo nang walang permiso at walang lisensiya, pinaniniwalaang nagagamit sa pagkakalat ng ilegal na droga at pagpupuslit ng mga kontrabando ang ilang colorum courier services.

Ito ang inihayag ng Citizens Crime Watch (CCW) matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa publiko at ang panawagang magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga kumpanyang ito.

Ayon sa CCW, isang 21-taong anti-crime watchdog, ilan sa mga reklamo ang kabiguang maihatid ang mga delivery at pagnanakaw.

Sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, chief legal counsel ng CCW, na inirekomenda niya kay CCW President Diego Magpantay na aksiyunan ang mga reklamo laban sa mga kumpanya ng courier services.

“Kung agad na kikilos ang CCW, hihilingin namin kay Department of Information, Communication and Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan na aksiyunan agad ang dumaraming reklamo ng publiko”.

Dagdag ni Topacio, nabatid niya na nagbigay na ng babala ang DICT sa mga walang rehistrong kumpanya pero, walang ginagawa upang ang mga ito ay maisara.

Hinala ni Topacio, may ilang nakikinabang sa operasyon ng mga colorum courier services.

Kaugnay nito, nais ng CCW na hilingin sa liderato ng Kamara de Representantes na imbestigahan ito kaugnay ng pagsisiwalat ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza tungkol sa ilegal na operasyon ng courier services. Ilan umano sa mga ito ay pagmamay-ari ng mga dayuhan na lantarang pinatatakbo nang labag sa batas at sa regulasyon ng bansa.

Batay sa rekord ng DICT, umaabot sa 118 courier services ang binigyan ng akreditasyon ng kagawaran, samantalang, may umiikot na “white paper” na binabanggit ang Ninja Van, Entrego at JnT Express na ilan sa mga kolorum na courier services.

Binanggit ni Atty. Topacio na bukod sa paglabag sa mga regulasyon, walang takot na nilalabag din ng mga kumpanyang ito ang mga batas sa paggawa tulad ng mababang pasahod, kawalan ng benepisyo sa kalusugan, pati ang kapakanan at kaligtasan ng mga tagahatid ng kargamento at deliveries.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page