top of page
Search
  • Bobi Tiglao

Kapalpakan ng NDRRMC at Phivolcs, buking!

Isang malaking problema na dapat lutasin ng gobyerno sa lalong madaling panahon ay ang pag-ayos sa tinatawag na emergency alert system ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Karamihan sa atin ay nakaranas ng sistemang ito. Noong mga nakaraang buwan, kapag may paparating na bagyo, nakatatanggap tayo ng text messages na mag-ingat.

Maraming beses akong nakakuha ng ganitong mensahe kahit ang bagyo ay napakalayo naman sa Maynila kung saan ako nakatira.

Pero noong Enero 12, sa kasagsagan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal, walang naipakalat na abiso o emergency alert system ang NDRRMC.

Isipin ninyo, nag-issue lang ng emergency bulletin tungkol sa delikadong pagsabog ng bulkan, kinabukasan na ng alas-6:00 ng umaga. Eh, para saan pa ang emergency bulletin na ito kung tapos na ang pagsabog ng bulkan? Tsk!

Saksi ako sa kapalpakan ng NDRRMC sa pagsabog ng Bulkang Taal dahil naroon ako mismo na naglalaro sa Splendido Golf Club sa Laurel kung saan kitang-kita ang napakagandang tanawin ng bulkan.

At dahil walang emergency bulletin ang NDRRMC, ang mga tao ay nag-e-enjoy lang habang pinanonood ang bulkan, subalit, bandang alas-5:00 ng hapon, tila iba na ang sitwasyon sa paligid dahil sobrang kapal na ng usok kumbaga, hindi na ito normal na kaganapan sa bulkan.

Huli na nang mag-panic ang mga tao para umalis kaya ang resulta, ang daan mula sa Tagaytay patungong Sta. Rosa ay tinalo pa ang walang galawang trapik sa EDSA. Sa madaling salita, sobrang hassle, walang sistema!

Sa tingin natin, dapat imbestigahan ng awtoridad kung bakit hindi agad nakapag-issue ng emergency alert ang NDRRMC. Wala bang tao sa kanilang tanggapan nang mga oras na ‘yun dahil Linggo?

Nakalimutan ba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na padalhan ito ng mga “bulletin” sa pagsabog ng bulkan?

Pero late na talaga nagbabala ang Phivolcs, wala pang alas-5:00 ng hapon nang magsimulang mag-alburoto ang Bulkang Taal pero bandang alas-7:30 ng gabi nang itaas nila ang sitwasyon sa Alert Level 4 na ang ibig sabihin, anumang oras nu’ng araw na ‘yun ay posible na itong sumabog.

Marahil, hindi lang nahalata ng taumbayan ang napakalaking kapalpakan ng NDRRMC o Phivolcs dahil walang namatay at walang tinatawag na “pyrocastic flow” o “base surge” o ang pagsabog ng napakainit na abo at lava na napakabilis na kakalat na siyang susunog sa tao.

Samantala, nagbabala ang Phivolcs na posible ito kung walang emergency alert system at sa pagkakataong ito, tiyak na hindi makakabakwit ang mga tao kung pumutok ulit ang bulkan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page