top of page
Search
  • Ka Ambo

Ang kuwento ng bahaghari sa buhay ng may-ari ng pahayagang Bulgar

MALUNGKOT ang araw na ito. Bumalik na sa Dakilang Lumikha ang pinakamamahal nating si Boss Rainier, ang nagpundar at may-ari ng pahayagang BULGAR. **** HINDI matatawaran ang pagiging mapagpakumbaba ni Boss Rainier sa kabila ng napakatayog niyang naabot sa antas ng buhay. Nanatili siyang matulungin, maunawain, mapagpatawad at mabait sa lahat ng pagkakataon ng kanyang buhay. **** DEBOTO ng Itim na Poong Nazareno si Boss Rainier na magdiriwang ng kanyang ika-63 kaarawan ngayong ika-25 ng buwang ito. Nanatili siyang may maalab na pananampalataya sa Panginoon. **** UNANG lumubha ang kanyang sakit noong Marso, 2004 matapos ang operasyon sa United States. Nakatakdang isilang sa caesarian operation ang aking unico-hijo nang matanggap ko noon ang malungkot na balita. **** ITINOKA naming mag-asawa ang pangalang Jesus para sa aming magiging anak hango sa pangalan ng kanyang Lolo Sucing na isinilang sa petsang Enero 20 — Piyesta ng Sto. Niño. Pero wala kaming paraan bukod sa ipagdasal na mapabuti ang kaligtasan ni Boss Rainier kaya naisip kong ikambal sa pangalang Jesus ang kanyang pangalan bilang binyag sa aking magiging anak na lalaki. Iniisip kong sa tuwing tatawagin ko sa pangalan ang aking bugtong na anak ay para ko na ring ipinagdarasal si Boss Rainier! **** SA awa ng Diyos, nagbalik ang kalusugan ni Boss Rainier at 16-anyos na ngayon ang aking anak na si Jesus Rainier na magsisilbing buhay na alaala ng isang boss na hindi mapapantayan ang kadakilaan at pagiging matulungin sa kanyang mga manggagawa, kaibigan at kamag-anak. Mahirap limutin ang masasayang araw na kasama natin sa opisina at planta si Boss Rainier, partikular ang mga nagdaang Pasko at panahon ng kagipitan! **** HINDI ko malimutan ay nang minsang tawagin niya ako sa maliit na silid sa planta ng imprenta at nagkonsulta sa guhit ng kanyang palad. Simple lang ang guhit ng kanyang palad na nagpapahiwatig na namuhay siya nang kalmante at walang mabigat na alalahanin. “May itatanong lang talaga ako sa iyo kaya kita tinawag,” pabulong na wika sa akin ni Boss matapos itikom ang palad! **** “May nabili akong lupain sa Nueva Ecija at alam mo bang tinubuan ito ng paa ng bahaghari? Ano’ng ibig sabihin nito?” kalmante niyang usisa noong taong 1995.

Napalunok ako at nag-isip nang malalim na tipong naghahagilap ng sagot. “Ang bahaghari po ay unang lumabas nang magpahiwatig ang Dakilang Lumikha ng kanyang emosyon matapos ang malaking baha noong panahon ni Noe,” mahinahon kong tugon.

“Ipinaaalala ng Diyos gamit ang bahaghari na ang kanyang pagmamahal sa bawat nilalang ay hindi kailanman nawawala sa kabila ng mga kasalanan ng tao,” pagpapatuloy ko.

Tumangu-tango si Boss Rainier at nagtanong ulit, “Ano’ng ibig sabihin ng bahaghari sa aking bakuran?”

Sumagot agad ako, “Aktuwal at direktang ipinahihiwatig sa iyo ng Poong Lumikha ang kanyang pagmamahal sa iyo gamit ang bahaghari. Ingatan mo ang lupain dahil manipestasyon ito ng personal na koneksiyon mo kay Lord.”

“Tama ang sinabi mo,” sorpresang tugon ni Boss Rainier, at idinugtong niya, “Alam mo bang deboto ako ng Poong Nazareno dahil ang birthday ko ay Enero rin?”

Masayang naghiwalay kami ni Boss habang malalim akong nag-iisip. Sa iyo, Boss Rainier, dalhin mo ang aming pagmamahal sa pagbabalik mo sa kaharian ng Poong Lumikha!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page