top of page
Search
  • Persida Acosta

5 yrs. mahigit nang magka-live-in, hindi na kailangan ng marriage license para makapagkasal

Dear Chief Acosta, Halos anim na taon na kaming nagsasama ng live-in partner ko at pinaplano na naming magpakasal. Nais kong malaman kung kailangan pa ba naming kumuha ng marriage license? - Michi

Dear Michi, Alinsunod sa ating Family Code, ang marriage license ay isa sa mga pormal na rekisito upang magkaroon ng balidong kasal. Kinakailangang mayroon nito ang mga partido upang sila ay makapagpakasal, maliban na lamang kung ito ay pasok sa isa sa exceptional circumstances na nakasaad sa ating batas:

“Art. 3. The formal requisites of marriage are:

x x x

(2) A valid marriage license except in the cases provided for in Chapter 2 of this Title;

x x x.

Art. 4. The absence of any of the essential or formal requisites shall render the marriage void ab initio, except as stated in Article 35 (2).”

Ang isa sa kinikilalang exceptional circumstances ay ang pagsasama ng mga partido nang hindi bababa sa limang (5) taon bago ang kanilang kasal. Batay sa Article 34 ng ating Family Code:

“No license shall be necessary for the marriage of a man and a woman who have lived together as husband and wife for at least five years and without any legal impediment to marry each other. The contracting parties shall state the foregoing facts in an affidavit before any person authorized by law to administer oaths. The solemnizing officer shall also state under oath that he ascertained the qualifications of the contracting parties are found no legal impediment to the marriage.”

Bilang sagot sa inyong katanungan, masasabing sa pangkalahatan ay sadyang kailangan ninyong kumuha ng marriage license ng inyong live-in partner kung nais ninyong magpakasal. Maaari lamang kayong ma-exempt sa naturang rekisito kung (1) ang pagsasama ninyo bilang live-in partners ay hindi bababa sa limang taon; (2) walang legal na balakid sa pagitan ninyo na magpakasal; (3) kayo ay gagawa at magsusumite ng sinumpaang-salaysay na nagsasaad na kayo ay nagsasama nang hindi bababa sa limang taon bago ang inyong kasal at walang legal na balakid sa pagitan ninyo at (4) ang magkakasal sa inyo na solemnizing officer ay gagawa rin ng sinumpaang-salaysay na nagsasaad na inalam niya ang inyong kuwalipikasyon sa pagpapakasal at walang legal na balakid sa inyong pagpapakasal.

Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page