Pautang ng gobyerno sa mga nasalanta ng Taal, pahirap, hindi tulong!

January 16, 2020

Ryan B. Sison / Boses

 

Sa nagdaang apat na araw, nakaranas ang ating mga kababayan ng matinding kalamidad dulot ng pagputok ng Bulkang Taal. 


Maging ang mga kalapit na probinsiya tulad ng Batangas, Laguna, Cavite, Rizal at ilang parte sa Metro Manila ay apektado ng pagsabog kaya naman halos walang natira sa kabuhayan ng mamamayan.


Base sa mga ulat, labis na naapektuhan ang mga magsasaka at mangingisda kung saan nawasak ang lahat ng kanilang mga pananim at ang kalapit na dagat ay nadamay dulot ng lava at ashfall na ibinuga ng bulkan. 


Dahil dito, agad na bumuhos ang tulong mula sa ating mga kababayan sa iba’t ibang lugar. Kahit may ashfall, hindi nila ito alintana, personal na maipaabot lang ang nalikom na mga inuming tubig, pagkain, damit at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga evacuee.


At kasabay ng pagtulong ng ating mga kababayan, napansin naman ng ilan na sa halip na bukas-palad na tumulong ang gobyerno sa mga nawalan ng kabuhayan tulad ng mga magsasaka, ang naging solusyon nila ay pagpapautang lamang. 


Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, plano umano ng Department of Agriculture (DA) na magbigay ng zero at low-interest emergency loans sa mga magsasakang apektado ng Taal eruption.


Agad naman itong inalmahan ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun at ipinaliwanag na imbes na pagpapautang ay bigyan na lamang ng grant ang mga nasalantang magsasaka. 


Sapat umano ang mga buwis na nakukuha ng pamahalaan sa mamamayan para makatulong sa mga nasalanta ng kalamidad.


Suhestiyon nito, puwedeng makaahon ang mga nalugmok na mangingisda at magsasaka sa pagpapatupad ng pabahay o relocation at pamamahagi ng bagong sakahan at ilipat ang ilang fishing town sa kalapit na probinsiya sa patas na halaga lamang.


Nangako naman si Dominguez na gagawin ng gobyerno ang lahat upang matulungan ang mga kababayan nating apektado ng pagputok ng bulkan. Naglagay na umano ang pamahalaan ng catastrophe bond upang magamit ang pondo para sa Taal eruption. 


Kung sakaling walang umalma sa plano ng gobyerno, maaaring maipatupad na ito sa mga magsasaka at mangingisda. 


Nakalulungkot lang dahil sila na ang nawalan, sila pa ang mababaon sa utang maibangon lang ang kanilang kabuhayan. 


Palagi sana nating isipin na kahit na hindi pa panahon ng kalamidad, ang pagtulong sa kapwa ay dapat gawin nang bukas-palad at walang hinihintay na kabayaran o kapalit.


Walang ibang magtutulungan sa ating bansa kundi tayo rin.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.