top of page
Search
  • Fr. Robert P. Reyes

Kapayapaan sa buong mundo, daanin sa dasal

Maraming taon na ang nakararaan nang isinulat natin ang mensaheng, “Tunay ba ang kapayapaan?” Hindi lamang ito tanong pero mariing hamon sa gitna ng mga problema sa ating bansa.

Napakatagal nang problema ang kapayapaan sa bansa, partikular sa Mindanao at harinawa ay tuluyan na itong malutas sa pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law. Nilagdaan ito ng pangulo noong ika-26 ng Hulyo, 2018. Sa pamamagitan nito, merong malinaw na batayan ang pagpapanday ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao sa pagitan ng mga kapatid nating Muslim at ng pamahalaan.

Samantala, kumplikado rin ang sitwasyon ng kapayapaan sa Gitnang Silangan. Kamakailan, namatay sa U.S. drone strike sina Maj. Gen. Qassem Soleimani at Commander Abu Mahdi al-Muhandis. Makapangyarihan at respetadong heneral si Maj. Gen. Soleimani sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) at Commander ng naturang Quds Force o ang pangkat na nagsasagawa ng panlabas at patagong pagkilos ng military, kaya hindi ito matanggap ng Iran kung saan nagbanta sila ng ‘matinding paghihiganti’.

Ayon kay U.S. Pres. Donald Trump, tinarget umano si Soleimani upang pigilan ang giyera at hindi upang simulan ito. Pero matindi na ang galit ng mga taga-Iran sa pangyayari. Mabilis ang kanilang ganti kaya pagkatapos ilibing si Gen. Soleimani, mahigit 12 missiles ang paunang pinakawalan ng Iran patungong kampo sa U.S. bases sa Iraq kung saan may mga Amerikanong sundalo.

Sa kabilang banda, mahalaga na maging mahinahon at muling isipin, pagnilayan at dasalan ang mailap na pangarap ng lahat — ang kapayapaan.

Magkakaiba man ang mga katagang ginagamit ng bawat bansa, sadyang napakayaman at napakalalim ng kahulugan ng salitang kapayapaan. Balikan natin ang sinabi ng ating Panginoon, “kapayapaan ang iniiwan Ko sa inyo. Ang Aking kapayapaan ang ibinibigay Ko sa inyo, hindi ito katulad ng ibinigay ng sanlibutan.” (Juan 15:27)

Sa gitna ng matinding kaguluhan na maaaring humantong sa giyera, kailangan nating manahimik at buong kababaang-loob na manalangin, “Panginoon, hindi namin alam kung paano maabot ang kapayapaan — ang tunay at malalim na kapayapaan. Sa kabila ng kaguluhan na nangyayari hindi lamang sa aming bansa, kundi sa buong mundo, nawa’y turuan Ninyo kaming palaganapin ang pakikipagkaibigan at pakikipagkapwa-tao para sa kapayapaan. Turuan at tulungan Ninyo kaming maging instrumento ng Inyong kapayapaan. Turuan at tulungan Ninyo ang mga nagtutunggaliang bansa. Muling ituro Ninyo sa kanila ang wika ng pakikinig at pagbibigay-respeto. Ang muling pagkilala ng malalim na buklod ng lahat bilang magkakapatid sa iisang Dakilang Manlilikha, ang Diyos ng katotohanan, ang Diyos ng katarungan, ang Diyos ng kapayapaan. Amen.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page