top of page
Search
  • A. Servinio

Kinulang man sa kalahok, tagumpay ang TRAP sa SEAG


Hiwalay mang nakalista sa 56 na disiplina, ang pinagsamang hakot sa 30th Southeast Asian Games na apat na ginto, tatlong pilak at isang tanso sa Triathlon at Duathlon ay malaking tagumpay muli para sa Triathlon Association of the Philippines (TRAP) na parehong nangangasiwa sa dalawa.

Ang mga Pinoy ang mga hari at reyna ng Triathlon buhat pa noong 2015 kaya bilang punong abala ngayong 2019, nagpasya na damihan ang medalya sa anim mula sa dating dalawa.

Idinagdag ang tatlong medalya sa Duathlon, ang pinagsamang karera ng biskleta at takbuhan at sinasabing pinsan ng Triathlon at ang Mixed Relay Race ng Triathlon. Muntik na rin masama ang Aquathlon o pinagsamang langoy at takbo subalit hindi ito natuloy dahil sa kakulangan ng kalahok.

Bagong bayani ang lumabas sa katauhan ni Rambo Chicano sa Men’s Individual Triathlon. Si Chicano ang may karangalan na pinakaunang nagawaran sa 149 pangkalahatang ginto ng bansa.

Winalis ng Pilipinas ang lahat ng medalya sa Triathlon matapos ang tagumpay nina Kim Mangrobang sa kababaihan at ang Mixed Relay team nina Chicano, Mangrobang, Claire Adorna at Fernando Jose Casares. Pilak sa individual events sina Andrew Kim Remolino lalake at Kim Kilgroe sa babae.

Pagdating sa Duathlon, pinakita pa rin ng beteranang si Monica Torres na siya pa rin ang sukatan sa kababaihan. Medyo kinapos ang pambato sa kalalakihan na si Joey delos Reyes at pilak lang siya at hindi rin nabuhat ni Torres ang Mixed Relay kaya tanso sila kasama sina Pawie Fornea, Emanuel Commendador at Efraim Inigo.

Ginawaran ang TRAP noon ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ng Best National Sports Association sa bisa ng mga tagumpay sa SEA Games. Hindi malayo na maulit ito muli.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page