top of page
Search
  • Jeff Tumbado

Chacha, lusot na sa komite sa kamara


Inaprubahan na ng House Committee on Constitutional Amendments ang resolusyon na layong luwagan ang ilang economic provisions ng SaligangBatas at baguhin ang termino ng mga lokal na pamahalaan, kongresista at mga senador.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, tahimik na napagtibay ang panukala sa executive meeting ng mga miyembro ng komite.

“Ipinasa na ng komite ‘yung pagbabago sa mga major economic provision sa Saligang-Batas,” ani Zarate.

“Lalabas nito, this is a ChaCha by legislation. Hindi naman ito nakalagay sa ating Saligang-Batas. This is a very dangerous action,” dagdag pa ng mambabatas.

Kinumpirma naman ni Committee Chairman Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang paglusot ng panukalang pagbabago sa ilang probisyon ng 1987 Constitution.

Kabilang sa mga ito ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Kongreso na luwagan ang limitasyon sa dayuhang pamumuhunan sa bansa; tandem na pagboto sa presidente at bisepresidente; 5-taong termino para sa mga senador, kongresista at local executive na may hanggang tatlong termino; pagboto ng tatlong senador para sa bawat rehiyon sa bansa.

Sakaling maisabatas, kabilang sa siyam na rehiyon na tututukan ng tigatlong senador ay ang National Capital Region, Northern Luzon, Southern Luzon, Bicol Region, Eastern Visayas, Western Visayas, Northern Mindanao, Southern Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region.

Tiniyak pa ng kongresista na ang naaprubahang panukala sa executive session ay mailalatag nang malinaw sa plenaryo ng Kamara upang mabusisi at mapagdebatehan bago pagtibayin.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page