top of page
Search
  • Bobi Tiglao

Nabulgar: Bilyong kita sa Maynilad at Manila Water, dayuhan lang ang yumayaman

Alam ba ninyong napakalaki ng kinikita ng mga dambuhalang kumpanya ng patubig sa ating bansa? Ang masaklap, banyaga ang may-ari ng mga ito, ibig sabihin, hindi gobyerno ang nakikinabang sa bilyones na kinikita ng mga ito.

Unahin natin ang Maynilad Water Services na siyang namamahala ng kanlurang bahagi (west zone) ng Metro Manila — Manila (lahat maliban sa San Andres at Sta. Ana), Quezon City (San Juan River, West Avenue, EDSA, Congressional, Mindanao Ave., Holy Spirit at Batasan Hills), Makati (west ng South Super Highway), Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Valenzuela, Navotas at Malabon; Lungsod ng Cavite, Bacoor at Imus, Kawit, Noveleta at Rosario at iba pang karatig-lugar ng lungsod.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang chairman nito ay si Anthoni Salim, isang Indonesian billionaire. Maliban sa 2 porsiyento na pag-aari ni Manuel “Manny” V. Pangilinan sa First Pacific, ang buong kumpanyang ito ay pag-aari na ng mga banyaga.

Ayon mismo sa ulat ng First Pacific Co. Ltd, ban­yagang korporasyon na nakabase sa Hong Kong, ang kanilang pag-aari sa Maynilad ay 53 porsiyento habang ang Japanese company na Marubeni Corp., ang nagmamay-ari ng 20 porsiyento nito.

Kung susumahin natin, 73 porsiyento ng Maynilad ay pag-aari ng mga banyaga. Pero, ang nakapagtataka, bakit pinapayagan ito ng gobyerno gayung ayon sa Konstitusyon ng Pilipinas, hindi ma­aaring lumampas ng 40 porsiyento ang pag-aari ng mga banyaga sa public utilities tulad ng tubig at kuryente?

Gayundin, madalas, ang public utilities ay mono­poly, ibig sabihin, hawak nila sa leeg ang kanilang mga kostumer. Tsk!

Mula noong 2009 hanggang 2018, P64 bilyones diumano ang kinita ng kumpanya. Samakatwid, 73 porsiyento nito o P47 bilyon ang napunta sa bulsa ng mga banyaga.

Samantala, ang monopolyo naman ng patubig sa silangang bahagi (east zone) ng Metro Manila ay hawak ng Manila Water kung saan ang mga Ayala, ang mga mestizong bilyonaryo sa Pilipinas naman ang pinakamalaking shareholder nito.

Halos 40 porsiyento ng Manila Water ay pag-aari diumano ng mga banyaga. Gayundin, mula noong 2009 hanggang 2018, P55 bilyones o P22 bilyon ang kinita ng mga ito.

Isipin ninyo, bilyun-bilyon ang ipinamumudmod ng taumbayan sa mga banyaga! Pero sa kabila ng bil­yones na kinikita nila, nakuha pa nilang humingi ng order sa Singapore Arbitration Court na dapat bayaran daw sila ng gobyerno ng P11 bilyon, na hindi raw nila kinita dahil ayaw silang payagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magtaas-singil noong 2013.

Nagtataka pa ba kayo kung bakit nagpuputok ang butse ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga oli­garkiyang may-ari at nagpapatakbo ng Maynilad at Manila Water?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page