top of page
Search
  • Thea Janica Teh

Mga opisyal ng gobyerno na inutil sa pagkontrol sa pag-import ng baboy, kakasuhan


Bulgarific

Hello, Bulgarians! Nagbabala ang Samahan ng Industriyang Agrikultura (SINAG) na sasampahan nito ng kaso ang mga opisyal ng mga ahensiya ng gobyerno kung magpapatuloy pa rin ang pag-aangkat ng baboy habang wala pang sapat na inspection facilities ang mga pier sa bansa para sa African Swine Fever (ASF).

Ayon kay Rosendo So, chairman ng SINAG, hinikayat nila ang Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH) at Bureau of Customs (BOC) na suspendihin muna ang pagpapapasok ng mga imported na baboy — frozen o processed man hangga’t hindi pa naipapatayo ang mga pasilidad at laboratory na kinakailangan para mapigil ang pagkalat ng ASF sa bansa.

Matatandaang, nagpalabas nang P1 bilyong pondo ang Office of the President para sa pagpapatayo ng mga pasilidad na ito.

Ayon kay So, malinaw na nakasaad sa Republic Act (RA) 10611 o Food Safety Act, na dapat munang sumailalim sa “food safety inspection” ng DA at DOH ang mga imported na pagkain bago dumaan ang mga ito sa BOC para mapatawan ng karampatang buwis.

Ngunit, hindi ito nangyayari ngayon, ayon kay So, samantalang, nararapat ngang mas lalong bantayan ng mga ahensiyang ito ang mga inaangkat na baboy dahil sa ASF outbreak sa maraming bansa, kabilang na ang China, Poland, Russia, Hungary, Latvia, Romania at ilang bansa sa ASEAN.

Nakasaad sa RA 10611 na maaaring kasuhan ang mga opisyal ng gobyerno na lalabag sa mga probisyong ito.

Paulit-ulit nang sinabi ng pamahalaan at ng mga eksperto na hindi masama sa kalusugan ng mga tao ang ASF ngunit, ayon kay So, kailangan ding pangalagaan ang kapakanan ng mga maliliit na magbababoy.

Sa ngayon, nasa 0.15 percent pa lamang ng populasyon ng mga baboy sa bansa ang naapektuhan ng ASF. Ang mga baboy namang kinatay at inilibing ng gobyerno ay nasa 0.4 percent pa lamang ng lahat ng baboy na nasa loob ng 1 kilometro ang layo mula sa mga babuyan na may kaso ng ASF. Gayunman, ang pagkalugi ng mga magbababoy mula sa ASF ay umabot na sa P350 milyon.

Dagdag pa ni So, dapat bantayang maigi ang ASF para hindi matulad ang Pilipinas sa karatig-bansa kung saan tumaas nang tatlong ulit ang presyo ng baboy dahil sa kakulangan ng supply dahil sa ASF.

♥♥♥

For event invitations, please, email bulgarific@ gmail.com or PM us on our Facebook page.

Got to go! It’s so Bulgarific!

xoxo

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page