Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

P-Digong, kalampagin para mapababa ang presyo ng gamot

December 4, 2019

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

 

Noong nakaraang linggo ay tila nag-usap ang mga media sa buong bansa dahil nagkaisa silang tirahin ang masamang epekto ng vape o e-cigarette na bagong kinababaliwan ng karamihan, lalo na ng kabataan.

 

Dahil sa kabi-kabilang banat ay nagmistula itong kinuyog na nagresulta para maglabas ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan itong ipagbawal sa pampublikong lugar.

 

At dahil sa kawalan ng partikular na batas ay hindi ito tuluyang maipatigil ngunit, malaking bagay ang pahayag ng pangulo para mabulabog ang mga gumagamit nito na kailangan na nilang tumigil.

 

Dito natin napansin na malaking bagay kung magkakaisa ang mga taga-media dahil naging mabilis para aksiyunan ang problema sa vape o e-cigarette na matagal nang inirereklamo ng marami.

 

Ang pakiusap lang natin ay pagtuunan ng mga taga-media ang pagtalakay na mapababa ang presyo ng mga gamot at malaking bagay kung makukumbinse ang pangulo na maglabas ng Executive Order hinggil dito.

 

Kumikilos na ang ilang pharmaceutical companies sa Department of Health (DOH) na hayaan sila na sila na lamang ang magbawas ng presyo ng gamot dahil hindi nila kontrolado ang halaga ng mga gamot laban sa diabetes, hypertension at cancer.

 

Katwiran ng pharmaceutical companies ay palagi silang sumusunod sa DOH kaya sa pagkakataong ito ay sila ang pagbigyan sa desisyong sa tingin natin ay higit silang makikinabang kesa sa taumbayan.

 

Ngunit, nanindigan ang DOH na 50% discount ang ibawas sa gamot laban sa nabanggit na sakit para higit na mapakinabangan ng mga kababayan nating mahihirap.

 

Alam nating lahat na nais ng pangulo na maibaba ang presyo ng mga gamot sa susunod na taon dahil nakaayon na ito sa Universal Health Care Law, gayundin sa ilalim ng maximum drug retail scheme na nakapaloob sa Republic Act 9502 o ang Universal Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008.

 

Noong nakaraang taon ay tinapyasan na ng pamahalaan ang presyo ng mga gamot laban sa hypertension at napakaraming senior citizens ang nakinabang dito, partikular na ang mga mahihirap.

 

Lumalabas na Pilipinas lamang ang tila nagsasamantala dahil sa napakamahal na presyo ng mga gamot sa buong Asya kumpara sa mga bansang mayayaman.  

 

Ultimo ang mga generic drugs ay ibinebenta umano ng apat na beses na mataas at ang branded ay ibinebenta ng 22 beses na mas mataas kung sa mga pribadong pagamutan manggagaling.

 

Ayon sa ulat ng DOH, ang mga gamot na nasa kanilang listahan para maibaba ang presyo ay ang para sa hypertension, diabetes, sakit sa puso, baga, atay, cancer, chronic renal disease, psoriasis at rheumatoid arthritis at marami pang iba.

 

Magsama-sama tayong hilingin sa pangulo na ilabas na ang Executive Order para mapakinabangan na ng mga kapus-palad ang mababang presyo ng mga gamot. Kuyugin ulit natin!
 

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr