Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Arnis, naka-14 gold na! Lawn bowls, ginto rin

 

Dalawang gintong medalya ang hinamig ng Arnis National Team para sa non-traditional Open Weapon ng 30th Southeast Asian Games, kahapon sa Angeles University Foundation sa Pampanga.

 

Sinukbit ni Crisamuel Delfin ang gold medal sa men’s non-traditional open weapon finals nang makuha ang 9.830 puntos upang magkampeon, pumangalawa si Ngo Van Huynh ng Vietnam sa 9.700 para sa silver.

 

Nakuha nina Tun Yar Zar ng Myanmar na may 9.600 at Chhem Sila ng Cambodia na may 9.500 ang tig-isang bronze medal. “Since nag-start po kami ng July lahat po iyan ay pinaghandaan na po namin para makamit namin ‘yung mga medalya na gusto naming kunin,” hayag ni Delfin.

 

Itinarak ni Mary Allin Aldeguer ang 2nd gold ngayong araw sa women’s non-traditional open weapon finals sa 9.630 average score upang mahigitan sina Trieu Thi Hoai ng Vietnam na may 9.570 lang para sa silver medal habang napunta ang bronze medals kina Min Naing L Sheilar ng Myanmar at Eng Sou Mala ng Cambodia sa identical score na 9.370 points.

 

Nagkasya sa silver ang dalawang Filipino Arnisador  Anyo Traditional Open Weapon finals. Kinapos sina Mark David Puzon at Ryssa Jezzel Sanchez sa men at women sa gold nang makuha  pareho ang 9.600 marka. Nagkampeon si Do Duc Tri ng Vietnam sa 9.700 habang napunta kina Chhem Sila ng Cambodia at Aung Be Be Kyaw ng Myanmar ang bronze medal sa parehong 9.480 points.

 

Sa kabuuan ay nakakuha na ng 14 gold medals ang Arnis National Team matapos ang tatlong araw na kompetisyon. Namayagpag sa men’s livestick sina Dexler Bolambao (bantamweight), Mike Bañares (welterweight), Niño Mark Talledo (featherweight) at Villardo Cunamay (lightweight).  Nakaginto sina Jezebel Morcillo (bantamweight) sa women’s livestick. 

 

Hinarurot Pinay ang mga bakbakan sa women’s padded stick matapos manalo nina Sheena Del Monte (bantamweight), Jedah Mae Soriano (featherweight), Ross Ashley Monville (lightweight) at Abegail Abad (welterweight). Sumungkit sina Elmer Manlapas (featherweight), Jesfer Huquire (bantamweight) at Carloyd Tejada (welterweight) sa men’s padded stick ng tatlong gold medals. 

 

Samantala, patuloy  ang pamamayagpag ng Wushu sa 3rd day ng SEAG sa World Trade Center sa Pasay City nang ibulsa ni Agatha Wong ang  ikalawang ginto.  Wagi si Wong sa Women’s Taolu Taijijian bilang kasunod ng naunang gold sa Taolu Taijiquan noong Linggo.

 

Nagtala si Wong ng 9.650 puntos para talunin sa pilak sina Tran Thi Minh Huyen ng Vietnam (9,630) at sa tanso si Basma Lachkar ng Brunei (9.620). May apat na ginto nang pinanalo ang Pilipinas Lunes ng gabi habang nililimbag ang BULGAR.  Lahat na ito ay sa  Women’s Padded Sticks sa katauhan nina Sheena del Monte (Bantamweight), Ross Ashley Monville (Lightweight), Jedah Mae Soriano (Featherweight) at Abegail Abad (Welterweight).

 

Sa Weightlifting,  dala ng mahusay na ipinakita ni Hidilyn Diaz noong isang araw, nagwagi ng medalyang pilak si Margaret Colonia sa Women’s Under 59 kilos sa Ninoy Aquino Stadium.  Bumuhat si Colonia ng 82 kilo sa Snatch at 107 sa Clean and Jerk para sa pinagsamang 189 kilo na malayo sa gintong si Hoang Thi Duyen ng Vietnam (210 kilo) habang tanso si Putri Andriani ng Indonesia (177 kilo). 

 

Sa Triathlon, matapos mawalis ang dalawang ginto sa Individual Race ng lalake at babae, madaling pinanalo ng Pilipinas ang kampeonato sa Triathlon Mixed Relay Lunes ng hapon sa Subic Bay Boardwalk.

 

Sinamahan ang mga nag-ginto sa Individual na sina Rambo Chicano at Kim Mangrobang nina Fernando Jose Casares at Claire Adorna para umoras ng 1:33:47 at sinundan sila ng Singapore (1:37:58) at Indonesia (1:38:57).

 

Ang lahat ng kasapi ay kailangang lumangoy ng 300 metro, mag-bisikleta ng 6.6-km at tumakbo ng 1-km bago ituloy ang karera ng susunod na kakampi.  Susubukan  ng Pilipinas na kunin ang pang-limang  ginto sa Multi-Sport events sa Duathlon Mixed Relay sa Huwebes sa parehong lugar.

 

Sa Lawnbowls,  nagbigay agad ng unang ginto  kahapon ng umaga sa Clark Global City. 

 

Panalo ang tambalan nina Rodel Labayo at Angelo Morales kontra kay Woramet Singkeaw at Uthen Ontong ng Thailand, 19-11, sa Men’s Pairs.

 

Nagwagi din ng dalawang pilak ang Pilipinas sa Men’s Triples, salamat kay Elmer Abatayo, Hommer Mercado at Christopher Dagpin at Women’s Fours na sina Marisa Baronda, Sharon Hauters, Hazel Jagonoy at Rosita Bradborn.  May isa ring tanso sa Women’s Pairs na sina Nenita Tabiano at Vilma Greenlees.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr