Van na nangunguha ng bata, fake news! — PNP

December 3, 2019

 

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na makakasuhan ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon o fake news lalo na sa social media at internet.

 

Ito ay sa harap ng kumakalat na mga hindi kumpirmadong ulat  tungkol sa mga nawawala o dinudukot na indibidwal.

 

Diin ni PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, walang basehan ang sinasabing pagdukot ng kabataan.

 

“Tungkol doon sa mga kumakalat sa social media na diumano may mga abduction ng mga kabataan nais po natin pabulaanan ang mga kumakalat na fake news na ito at wala pa pong basehan at hindi ito validated subalit, kung anumang insidente na may nangyari, nanawagan tayo sa lahat ng mga concerned, biktima o pamilya ng mga biktma na dumulog kaagad sa pinakamalapit ng police station natin upang maimbestigahan at huwag pong i-upload kaagad.

 

Huwag ipagkalat kung hindi nai-report pa sa ating police station para magkaroon ng basis ang ating mga pulis at ma-validate ang information,” ayon kay Banac.

 

“Kapag ito ang ginawa natin, maaari din po tayong managot dahil may mga batas tayong umiiral para sa mga ipinakakalat na mga disinformation or misinformation,” babala pa nito.

 

Una nang lumutang sa social media ang kuwento na may gumagalang puting van na dumudukot ng mga bata na pagkatapos ay natatagpuan na lang na patay at wala nang laman-loob.

 

Sinabi ni Banac na sa 9 na iniulat na nawawala sa Pasay City, isa lang ang na-validate batay sa nakuhang CCTV footage ng insidente.

 

“May mga report na mga missing person, pero walang validated na kidnapping, baka po mga naglayas o kaya ay nagtanan, maliban lang sa isang kaso kung saan nakuhanan ng CCTV ang ginawang pagdukot,” ayon pa kay Banac.

 

Diin ng heneral, sasampahan nila ng kaso at maaaring makulong ang mga nagpapakalat ng fake news sa sandaling matunton ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang kanilang pagkakakilanlan.

 

“Maaaring makasuhan siya sa Anti-Cybercrime Act natin ng pagkakalat ng mga maling information at ‘yun ang paalala sa lahat, huwag po agad magpasa-pasa ng information na hindi naman nanggaling sa ating awtoridad. ‘Yung WCPC natin ay kabilang din sa mga nag-iimbestiga dahil involved dito ‘yung mga minor,” paliwanag pa nito.

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.