top of page
Search
  • Maestro Honorio Ong

Ikakasal na lang, BF niloko pa, kumabit sa lalaking may sabit, litung-lito

Dear Maestro, Twenty-six years old na ako at malapit nang ikasal. Nagkaroon ako ng ka-chat at na-develop kami. Alam kong may asawa na siya at alam niyang may boyfriend ako, pero parang biro ng tadhana nang mapagkasunduan naming magkita at may nangyari sa amin. Hindi alam ng boyfriend ko ito kaya nagi-guilty ako. Tuloy pa rin ang relasyon namin ng ka-chat ko pero palihim lang. Maestro, natatakot at naguguluhan ako kung sino sa dalawang lalaking ito ang mapapangasawa at makakasama ko habambuhay? Sa 2020 ang kasal namin ng boyfriend ko. Kung siya na, dapat ko pa bang sabihin sa kanya ang tungkol sa lalaking ka-chat ko? At ano ang mangyayari sa magulong love life na pinasok ko na hindi ko maiwasan? Ramdam kong parang pareho ko na silang mahal. October 1, 1993 ang birthday ko.

Umaasa, Lara ng San Pedro, Laguna

Dear Lara, Sa madaling salita, nagtaksil ka sa boyfriend mo at maaari ring sabihin na hindi pa man kayo mag-asawa ay niloloko mo na siya. Dahil dito, parang hindi ka karapat-dapat mapangasawa ng boyfriend mo, lalo na kung naging mabuti at tapat siya sa iyo.

Samantala, ayon sa birth date mong 1, ang una mong dapat gawin kung mahal mo ang BF mo ay itigil mo na ang pakikipag-chat at lihim na pakikipagrelasyon sa lalaking may asawa na nakilala mo lang sa social media. Kapag nagawa mo ‘yan, agad-agad na maiibsan ang iyong problema.

Tanungin mo ang iyong sarili ng “Mahal ko ba ang boyfriend ko o hindi?” Kung sinasabi ng puso mo na mahal mo siya, walang takot, walang pagdadalawang-isip na putulin na ang ugnayan ninyo ng lalaking may asawa na at iniisahan ka pa.

Kapag patuloy mo siyang minahal, hindi ka lang sa boyfriend mo nagkakasala at sa pamilya ng lalaking may asawa na, bagkus, nagkakasala ka rin sa iyong sarili at sa batas ng tao at batas ng Diyos.

Tulad ng nabanggit na, putulin mo na ang relasyon ninyo ng lalaking ‘yan kahit sabihin ng puso mo na mahal mo siya.

Kahit mahal natin ang tao at alam nating magiging masakit kapag kinalimutan na natin siya, ito ay dapat pa ring gawin, alang-alang sa marangal at dalisay na pag-ibig.

Sa iyong sitwasyon, ito ay ang pag-ibig mo sa iyong boyfriend at sa iyong kapwa kaya hindi mo dapat piliing makasakit ng damdamin ng iba at makasira ng maayos na pamilya.

Dapat ka nang kumilos bago pa mahuli ang lahat. Tigilan mo na ang pakikipagkaibigan sa lalaking may asawa na para hindi gumulo ang buhay mo. I-block mo na siya sa FB at gumawa ka ng bagong account para madali mo siyang makalimutan.

Gayundin, ibuhos mo ang iyong time, resources at panahon sa boyfriend mo at sa pag-aasikaso sa nakatakda ninyong kasal sa 2020.

Sa nabanggit na mga paraan, kahit ano pa ang birth date at zodiac sign ng boyfriend mo, pero mas maganda sana kung siya ay Aquarius at may mga birth date na 4, 13 22 at 31, tiyak ang magaganap, ang bubuuin ninyong pamilya sa 2020 ay siguradong uunlad at panghabambuhay na magiging maligaya.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page