top of page
Search
  • Maestro Honorio Ong

Mag-asawang singko at otso na baon sa utang, yayaman kapag nag-abroad o nagnegosyo ang isa

Dear Maestro, Mula nang nawalan ng trabaho ang mister ko ay nabaon na kami sa utang. Ako lang ang nagtatrabaho sa amin bilang manikurista at kapag walang kliyente ay wala rin akong kita. Gusto kong malaman kung makaaahon pa kaya kami sa utang at kahirapan? Kung oo, sa paanong paraan? Gayundin, compatible ba kami ng mister ko? Hindi kami madalas mag-away, pero nagtataka ako dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin kami umaasenso. May tatlo kaming anak at May 14, 1980 ang birthday ng mister ko habang November 17, 1981 naman ang birthday ko.

Umaasa, Myla ng Cupang, Pandi, Bulacan

Dear Myla, Nagkataong 5 ang birth date ng mister mo (ang 14 ay 1+4=5) habang ikaw naman ay 17 o 8 (dahil ang 1+7 =8) na ibig sabihin ay dapat ngayon pa lang ay unti-unti na kayong yumayaman sapagkat tulad ng madalas nating ipaliwanag, kapag nagsama ang numerong 5 at 8, pareho silang yumayaman.

Pero alam mo kung bakit hindi pa rin kayo nagsisimulang yumaman at sa halip, sabi mo nga sa ngayon ay baon pa kayo sa mga pagkakautang?

Simple lang ang tugon: Walang nag-abroad sa inyo o walang malakas ang loob na magnegosyo.

Ang dalawang bagay na ‘yan ang magpapayaman sa inyo at dapat gawin ng mga taong singko at otso.

Kaya kung walang trabaho ang mister mo, mabuting hikayatin mo siyang mag-abroad o magnegosyo sa lugar na malayo sa sinilangan ninyong bayan.

Ang mga nabanggit ang isaalang-alang ninyo ngayong taon, higit lalo sa edad mong 38 at 39 naman ang mister mo.

Kapag nasimulan n’yo nang mag-apply abroad o magnegosyo, tiyak ang magaganap, ngayong panahon ding ito, unti-unti nang magbabago ang kapalaran, makaaahon na kayo sa mga pagkakautang hanggang sa kusang matupad ang itinatakda ng kapalaran – magkakaroon na kayo ng maraming ari-arian, makapagpapatayo kayo ng building na may apat na palapag na yari sa bato at habang umuusad ang panahon at nagkakaedad na kayo, yayaman kayo at mapagtatapos sa pag-aaral ang inyong mga anak na magsisimulang mangyari sa taong 2031 sa edad mong 50 pataas at 51 naman ang mister mo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page