top of page
Search
  • Shane M. Ludovice, M.D

Mga sintomas ng restless legs syndrome

Dear Doc. Shane, Diabetic ang nanay ko pero controlled naman ang kanyang blood sugar dahil sa kanyang maintenance. May kaugnayan kaya sa kanyang diabetes ang pananakit at madalas na pamumulikat ng kanyang mga binti? Ang sabi ng kanyang doktor ay posibleng Restless Legs Syndrome raw ito. Niresetahan siya ng pain reliever at mga vitamins. Ano ba ang sanhi ng Restless Leg Syndrome? Natural lang ba ito sa nagkakaedad na diabetic? — Emma

Sagot Ang Restless Legs Syndrome (RLS) ay kondisyon na ang mga binti ay hindi mapakali kapag nakaupo, nakahiga o nakatayo. Nawawala pansamantala ang pagkabalisa sa pamamagitan ng paglalakad o pagpapalit ng puwesto ng pag-upo o paghiga. Ang RLS ay maaaring magsimula sa anumang edad at lumalala sa pagtanda.

Narito ang ilan sa mga sintomas ng Restless Legs Syndrome:

  • Pamumulikat

  • Pananakit

  • Pakiramdam na parang nakukuryente

  • Pangangati

  • Mainit na pakiramdam sa bahagi ng mga binti

Ang RLS ay madalas magsimula kapag matagal nang hindi nagagalaw ang mga binti. Halimbawa, kapag matagal nakaupo sa sinehan o sa harap ng computer, habang nakasakay sa eroplano o kapag masyadong matagal na nakahiga sa kama.

Sa ilang kaso, ito ay mas malubha sa gabi. Ang RLS ay may kaugnayan sa kondisyong Periodic Limb Movements of Sleep o PLMS. Ito ang hindi mapigil na pag-unat ng mga binti habang natutulog. Hindi napapansin ng pasyenteng may PLMS na ginagawa na pala niya ito. Kapag malala na ang PLMS, nararanasan din ito habang gising. Karaniwan ang PLMS sa mga matatanda. Apat sa lima na may RLS ay nakararanas ng PLMS.

Ang Restless Legs Syndrome ay maaaring dahil sa kakulangan sa dopamine, ito ay kemikal na tumutulong sa tamang pagtakbo at tumutulong sa pagkontrol sa paggalaw ng mga kalamnan sa katawan.

Maaari ring tumakbo sa pamilya ang RLS. Halos kalahati ng mga naaapektuhan ng RLS ay nanggaling sa pamilyang may kasaysayan ng kalagayang ito.

Ang RLS ay nararanasan din ng mga buntis dahil sa pagbabago ng mga hormones sa katawan. Ito ay madalas na nararanasan sa huling tatlong buwan ng pagbubuntis at nawawala rin ang mga sintomas ng RLS pagkatapos manganak.

Ang RLS ay maaari ring may kaugnayan sa ilang kondisyon tulad ng mga sumusunod:

Peripheral neuropathy kung saan nagkakaroon ng pinsala sa nerves ng mga kamay at paa. Ito ay maaaring sanhi ng diabetes, kakulangan ng iron sa katawan at panghihina ng bato. Ang panghihina ng bato ay may kaugnayan sa kakulangan ng iron sa katawan. Ito ay nakapagpapalala ng RLS.

Dahil ang Restless Legs Syndrome ay madalas nararamdam sa gabi, ang kadalasang epekto nito ay ang pagkapuyat, kahirapan sa pagtulog o insomnia.

Ang RLS ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng tamang medikasyon at ng mga sumusunod:

Kung ang RLS ay dahil sa kakulangan ng iron sa katawan, maaaring magreseta ang doktor ng mga suplemento tulad ng iron. Ito ay inirereseta lamang pagkatapos suriin ng doktor ang lebel ng iron sa dugo ng pasyente.

Ang mga doktor ay maaari ring magrekomenda ng mga gamot na ginagamit din sa paggamot ng Parkinson’s Disease. Ang mga medikasyong ito ay nakapagbabawas ng hindi mapigil na paggalaw ng mga binti. Ang ilang halimbawa ng mga gamot ay ang ropinirole (requip) at pramipexole (mirapex). Gamot na pampatulog ang madalas inirerekomenda sa mga pasyenteng may RLS para guminhawa ang kanilang pagtulog sa gabi.

Bukod sa medikasyon, ang RLS ay maaari ring mapaginhawa ng mga sumusunod:

  • Pagligo gamit ang maligamgam na tubig at pagmamasahe ng mga binti.

  • Paglagay ng mainit o malamig na compress sa binti.

  • Aktibidad na nakapagpapaginhawa ng pakiramdam bago matulog tulad ng yoga o ilang breathing exercises.

  • Regular na pag-eehersisyo.

  • Pag-iwas sa mga inumin at pagkain na may caffeine tulad ng kape, tsaa, softdrinks at tsokolate.

  • Pag-iwas sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page