top of page
Search
  • Fr. Robert P. Reyes

Kalinga at malasakit ang kailangan ng mahihirap, hindi lang materyal na bagay

Ngayong ika-33 Linggo ng karaniwang panahon ipinagdiriwang ang World Day of the Poor. Ang pagbibigay-pansin at kalinga sa mga maralita ay sinimulan ng Simbahang-Katolika noong ika-20 ng Nobyembre, 2016 sa pamamagitan ng liham-pastoral ni Papa Francisco na pinamagatang Miserecordia et Misera.

Sa pagkakahirang bilang Santo Papa, sinikap ni Papa Francisco na muling ilapit ang Simbahan sa mga maralita. Ito ang diwa ng kanyang piniling motto, “Awa at Kalinga.”

Sa mensahe ni Papa Francisco sa ikatlong World Day of the Poor, binigyang-diin niya ang pakikitungo o ang aksiyon tungo sa mahihirap kaysa ang pagbibigay ng anumang materyal na tulong.

Ayon sa Santo Papa, kailangan ang pagbabago ng kamalayan upang muling matuklasan ang higit na mahalaga upang mabigyang-buhay ang pamamahayag ng ebanghelyo.

Dagdag pa nito, hindi maipakikita o maipahahayag ang pag-asa sa panandaliang pakikitungo sa mahihirap kundi ang tuluyan at walang sawang pakikitungo sa kanila.

Ano ang hinahanap ng mahihirap? Hinahanap nila ang ating mga kamay upang itaas ang sa kanila at ang ating puso upang kanilang maramdaman ang init ng ating pagdamay. Sa madaling salita, higit pa sa anumang materyal na bagay ay pagmamahal ang kanilang hinahangad. Saanman tayo magtungo, madali nating makikita ang iba’t ibang mukha ng kahirapan.

Nagkalat ang mga kababayan nating nabubuhay sa araw-araw na pangangalakal, silang mga umaasa sa mga plastic bottles, lata at iba pang basura. Sila ang nagbubukod ng mga basurang nabubulok sa mga hindi nabubulok o maaari pang mapakinabangan o maibenta.

Nagkalat din ang mga kababayan nating walang tahanan (homeless), gayundin ang mga batang-kalye o batang-hamog na ginagamit o pinagkakakitaan ng kanilang mga magulang o sindikato para sa iba’t ibang raket.

Noong isang araw, nang tumawid tayo sa overpass, marami tayong nakitang mga natutulog nating kababayan. Nilapitan natin ang isa sa kanila at sinubukang gisingin. Sa kabila ng bahagyang pagkibot ng kanyang mga braso ay hindi magising-gising ang payat na binatilyo na tila walang lakas at hindi malayong gutom na gutom din.

May mga pagkakataong nagigising ang ilan sa ating mga tinatapik kung saan nakakausap at nakukumusta natin sila, saka inaabutan ng pagkain. Bagama’t, kaunting bagay lamang ito dahil hindi rin naman ‘malaman’ ang ating bulsa, pero meron sa ating hindi nauubos — ‘yun ay ang pagsisikap na ipadama sa kanila ang pakikiisa at pakikiramay, ang pagmamahal ng Diyos na dumadaloy sa ating marurupok at mahihinang mga bisig at pagkatao.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page