top of page
Search
  • Gerard Arce

Batters Team, ginulpi ang China para sa bronze


Hinataw ng Philippine Women’s baseball team ang bronze medal nang tambakan ang host country na China, 11-1 sa kauna-unahan nitong pandaigdigang kumpetisyon sa ginaganap na 2nd BFA Women’s Baseball Asia Cup, Biyernes sa Panda Memorial Stadium sa Guangdong, China.

Kinumpleto ng Pinay sluggers ang kampanya sa pamamagitan ng pagpasok sa super round 3rd place laban sa Chinese batters na nagawa na nilang talunin noong Miyerkules sa iskor na 6-2 sa super round battle.

Nagpamalas ng matitinding palo ang Pinay batters sa mga unang innings pa lang nang maagang tambakan nito ang Chinese team sa 7-1 sa pagtatapos ng second inning. Hindi na natinag pa ang pundasyon ng Pinay sluggers sa kanilang kalamangan nang kumamada pa ng karagdagang puntos sa ika-apat at 5th innings upang ilayo ng husto ang laro laban sa host country.

Nagawang makatuntong sa super round ng Pinay batters’ nang hambalusin ang koponan ng World no. 10 na Hong Kong via 12-3 at World no. 8 na South Korea, 14-7 sa unang dalawang laro sa elimination round bago mabokya sa World no. 3 na Chinese Taipei, 0-15.

Nagawa nitong talunin ang China sa unang laro sa super round habang inilampaso sila ng World’s no. na Japan sa 2nd game sa super round sa iskor na 2-17. Ang torneo ay magsisilbing Asian qualifier para sa 2020 Women’s Baseball World Cup kung saan lahat ng apat na koponan na nakapasok sa super round ay may tsansang makapasok sa prestihiyosong pandaigdigang kompetisyon.

Ayon sa Women’s Baseball World Cup ay kuwalipikado na ang Pilipinas kasama ang defending champion Japan, Chinese Taipei at China para sa Asya habang pasok na rin ang France para sa European para sa 9th edisyon ng biennial competition na pinagwagian ng 6-peat winner na Japan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page