top of page
Search
  • Shane M. Ludovice, M.D

Paglabo ng mga mata habang tumatanda, puwedeng umabot sa pagkabulag

Dear Doc. Shane, Nakaranas ng panlalabo ng mga mata ang aking ina na may edad 68 at ang diagnosis ng doktor ay macular degeneration daw ito. Akala ko ay normal na panlalabo lamang dala ng katandaan. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa sakit na ito? — Belen

Sagot Ang macular degeneration o age-related macular degeneration (AMD) ay sakit na kasama sa pagtanda kung saan nasisira ang central vision. Mahalaga ang central vision upang malinaw na makita ang mga detalye at maayos na magawa ang mga aktibidad tulad ng pagmamaneho at pagbabasa.

Naaapektuhan ng AMD ang macula, ang parte ng mga mata na tumutulong sa atin na makakita ng pinong detalye. Hindi ito masakit ngunit, unti-unti itong pumapatay ng mga cells sa macula. Maaaring mabagal ang progreso ng AMD kaya hindi ito agad napupuna ng taong naaapektuhan nito. Sa ibang kaso, mabilis ang pagsapit ng AMD at maaaring makaapekto sa parehong mata. Hindi tuluyang nakakabulag ang AMD dahil ang mga natitirang parte ng retina sa paligid ng macula ay patuloy pa ring nagbibigay ng side vision.

Ang regular na pagpapatingin at pagpapakonsulta sa ophthalmologist gamit ang comprehensive eye examination ay makatutulong sa maagang pag-detect ng sakit na ito upang maiwasan ang pagkabulag. Ang gamot at treatment ay makapagpapabagal lamang ng epekto ng AMD ngunit, hindi ito tuluyang mapipigilan.

Ang karaniwang sintomas ng dry AMD ay ang paglabo ng paningin. Maaaring mahirapang makaaninag o makakilala ng mga mukha at kinakailangan ng mas malakas na ilaw para sa pagbabasa at iba pang gawain. Karaniwang naaapektuhan ng dry AMD ang dalawang mata, ngunit ang pagkabulag ay maaari lang mangyari sa isang mata habang hindi naman apektado ang kabila.

Lahat ng tao na may wet AMD ay nagdaan muna sa dry AMD. Gayunman, posible ring maging sanhi ng pagkawala ng paningin ang dry AMD nang hindi dumaraan sa basang uri. Maaari ring biglang maging wet AMD ang dry AMD kahit nasa maagang yugto pa lang ito. Walang tiyak na paraan na makapagsasabi kung kailan magiging wet AMD ang dry AMD.

Isa pang maagang sintomas ng dry AMD ang drusen. Ito ay ang dilaw na deposito sa ilalim ng retina na karaniwang natatagpuan sa mga matatanda na may edad 60 pataas. Tumataas ang panganib na magkaroon ng AMD habang tumatanda ang tao. Kahit maaaring magkaroon ng AMD habang mas bata pa, ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga taong may edad 60 pataas ay may mas malaking panganib na magkaroon ng AMD.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page