top of page
Search
  • Sonny Angara

Mas malaking budget para sa edukasyon, kalusugan at social services, priority sa 2020

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Sa kasalukuyan, patuloy ang ‘madugong’ talakayan at debate sa P4.1 trilyong National Budget sa Senado sa pangunguna ng inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Finance.

Marami ang nagtatanong, anu-anong ahensiya ang tinututukan ng naturang budget?

Lahat ng ahensiya ng gobyerno ay mahalaga at nangangailangan ng kaukulang pondo para maayos na makapagsilbi sa tao.

Pero may mga ahensiya na kailangan ng dagdag-ayuda dahil kritikal ang mga ito tulad ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at social services.

Marami tayong mahihirap na kababayan na binabalewala ang kanilang kalusugan dahil sa napakamahal na pagpapaospital at gamutan.

Dahil d’yan, nagdagdag ang Senado ng kaukulang P9.439 bilyong health budget sa mga pribado at pampublikong ospital para siguradong matulungan ang mahihirap na pasyente.

Kaugnay nito, P7 bilyon ang inilaan ng Senado upang masustina ang pondo para sa employment ng mga nurse, doctor, midwife at iba pang health professionals na nakadestino sa malalayong kanayunan.

Hindi natin gugustuhing mawalan ng trabaho ang mga ito dahil sa kakulangan ng pondo, gayung kailangan sila ng mga kababayan nating nasa malalayong lugar.

Sila ‘yung mga Pinoy na hindi inaabot nang maayos na tulong-medikal dahil sa napakalayo nila sa mga kalunsuran.

Pinondohan din natin ang mahahalagang proyektong pangkalusugan tulad ng 24-hour Mental Health Hotline.

Ito ‘yung magsisilbing komunikasyon natin upang maihingi ng tulong ang mga kaanak o kaibigan nating dumaranas ng suliranin sa pag-iisip.

Inihabol din natin sa pagtalakay sa National Budget ang paglalagak ng kaukulang pondo para maayudahan din natin ang mga kababayan nating sinalanta ng matinding lindol sa Kabisayaan. Partikular na pinatungkulan natin ng pondo ang rehabilitasyon ng mga nasirang paaralan dulot ng malalakas na pagyanig noong Oktubre.

Para sa kaalaman ng lahat, nagdagdag din tayo ng halagang P6.2 bilyon sa budget ng Department of Education (DepEd) dahil sa proposisyon nina Senadora Pia Cayetano at Senate President Pro Tempore Ralph Recto.

Ito ay para sa mas epektibong implementasyon ng mga programang pang-edukasyon ng gobyerno tulad ng libreng kolehiyo at government school vouchers para sa mga senior high school sa private school na iniiwasan nating tumigil sa pag-aaral dahil sa kawalan ng pambayad sa matrikula.

Sa nasabing dagdag-pondo ng DepEd, nasasailalim din d’yan ang budget para sa maayos na pasilidad at kumpletong mga kagamitan ng mga tinatawag nating ‘Last Mile Schools’ o mga paaralang tawid-bundok at tawid-dagat na mahirap abutin ng tulong.

Hindi rin natin nakalimutang pondohan ang konserbasyon ng Gabaldon schools dahil malaking bahagi ito ng ating kultura, partikular sa edukasyon. Ang mga paaralang ito ay unang itinayo noong 1907.

Umaasa tayo, sampu ng ating mga kasamahan sa Senado, na sa lalong madaling panahon, maaprubahan na ng dalawang sangay ng Kongreso ang National Budget at agad maipadala sa pangulo para malagdaan niya ito at mapagtibay.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page