top of page
Search
  • Ryan B. Sison

Buwis-buhay na daan sa Caloocan, mayor dedma lang


Boses ni Ryan B. Sison

Sa social media idinaan ng concerned citizen ang kanyang hinaing sa umano’y buwis-buhay na paglalakad sa A. Bonifacio Ave. sa Caloocan City.

Ipinost nito ang kanyang hinaing at litrato ng ilang residente na dumaraan kung saan makikitang nakakapit lang ang mga ito sa bakal at halos nakadikit na sa trak na dumaraan.

Kuwento niya sa post, ang mga dumaraan pa ang umiilag sa mga sasakyan na karamihan ay naglalakihang mga trak.

Gayundin, makapal ang putik sa daanan at tumatapak lang sa mga tipak ng mga bato at sira-sirang kahoy ang mga dumaraan para hindi marumihan ang kanilang mga paa at damit.

Gayunman, para maiwasan ang mga sasakyan, kailangan pang lumusot sa gilid ng bakal kung saan dapat yumuko para magkasya ang katawan at kung ilalarawan, tila daga umano ang mga dumaraan dahil kailangan pang sumiksik at maputikan, makadaan lang.

Mabilis itong kumalat sa socmed at umani ito ng reaksiyon sa netizens kung saan nagbahagi rin ang mga ito ng kanilang naging karanasan sa nasabing kalye.

Hirit ng netizen, nakakatakot dumaan doon dahil kung hindi madudulas, puwede itong maging sanhi ng aksidente.

Dagdag pa nito, mabilis magpatakbo ang mga sasakyan sa nasabing kalye kaya kung hindi mapapansin na may nadulas, tiyak na masasagasaan ito.

Samantala, marami nang nadulas at nauntog sa paglusot sa bakal na nakapalibot sa isang poste. At tila wala umanong malasakit ang mga kinauukulan dahil kapag may nadisgrasya, sila lang ang kawawa.

May mga humihirit din na parang walang alkalde sa lugar dahil sa kabila ng utos na ayusin ang mga kalsada sa Metro Manila, ganu’n pa rin ang sitwasyon doon.

Sa totoo lang, sobrang delikado ng inirereklamong kalye dahil kung ang mga nakatatanda na dumaraan doon ay nadudulas o nauuntog, paano pa kung may kasama silang bata?

Idagdag pa ang mga balagbag na drayber at walang pakialam sa mga dumaraan. Para naman sa mga drayber, kaunting konsiderasyon naman dahil baka sa kamamadali n’yong magmaneho ay hindi n’yo alam na nakadisgrasya na kayo. Tsk!

Panawagan sa mga kinauukulan, huwag puro papogi, magpakita rin ng malasakit sa mamamayan sa inyong nasasakupan.

Hindi natin sinasabing bigyan ng agarang solusyon ang inirereklamong ito, pero sana, bigyan muna ng alternatibong daan ang mga residente upang mailayo sila sa panganib.

Huwag n’yo nang hintayin pa na may maaksidente o mamatay bago pa umaksiyon dahil kapag nangyari ito, sa inyo pa rin ang sisi nito.

Paalala sa kinauukulan, huwag maging pabaya ngayon para walang aberya sa mga susunod na taon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page