top of page
Search
  • Fr. Robert Reyes

Alok na labanan ang droga, patibong lang, VP Leni, laban pa rin!

Huwag maliitin ang karaniwang bagay dahil hindi tumitingin ang Diyos sa malalaki, magagara, nakamamangha at madalas kinaiinggitan.

Alam ng Diyos kung ano ang tunay at kadalasa’y tagong katangian ng anumang bagay. Hindi ba’t, sinabi ng Diyos na, “huwag kayong nababagabag tungkol sa pananamit. Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagpapagal ni humahabi man. Ngunit, ito ang sasabihin Ko sa inyo, maging si Solomon ay hindi nakapagsusuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagama’t, napakaringal ang mga damit niya. Kung ang mga damo sa kabukiran na buhay ngayon at kinabukasa’y iginagatong sa kalan ay dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya? Kayliit ng pananalig ninyo sa Kanya! Kaya’t huwag kayong mabalisa sa inyong kakainin, iinumin o daramtin. Sapagka’t ang mga bagay na ito ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa Diyos.” (Mateo 6: 26-32)

Matatandaang, malaki at mabigat na pangako ang ibinigay sa atin ng kasalukuyang administrasyon noong nagsisimula pa lamang ito — sosolusyunan ang iba’t ibang suliranin ng bansa mula sa pagsugpo sa ilegal na droga sa loob lamang ng ilang buwan.

Maraming Pinoy ang nabuhayan ng pag-asa at hindi mabilang ang palakpak na ibinigay ng mga ito sa lider ng bansa. Pero kasunod nito, nagsimula ang madugong programa na kumitil sa buhay ng libu-libong pinaghinalaan at binansagang “nanlaban” na mga sangkot sa droga.

Patuloy ang pagdanak ng dugo dahil sa programa, pero ang nakadidismaya, tila walang pakialam ang iba, marami ang humanga sa programa at patuloy ang kanilang paghanga sa liderato ng pangulo.

Sa kabila nito, may mga tumuligsa o tumutol at sumigaw na, “itigil na ang pagpatay!” “Stop the killings!” Maraming maliliit at karaniwan nating kababayan ang nabawian ng buhay, pero ang nakapagtataka, nasaan ang mga malalaking isda — ang mga drug lords?

Nagbago ang lahat nang ibinaling sa bise-presidente ang pansin ng pamahalaang napagsabihang hindi nagtatagumpay ang programa nito laban sa droga. Inalok si VP Leni Robredo na humarap sa problema at magpatakbo sa kanilang sinimulang programa.

Hindi ito agad tinanggap ni VP Leni, marami sa mga kaibigan nito ang nagbabalang huwag tanggapin ang alok na posisyon dahil patibong lamang daw ito na ikatitisod niya at sa huli ay sa kanya isisisi ang palpak na programa.

Tunay na napakaliit ng bise-presidente sa mga mata ng kasalukuyang administrasyon. Pero sa kabila ng mga pangmamaliit ay tulad ng mga bulaklak na tumutubo sa parang, hindi niya ipinilit ang sarili at humiling ng anuman kahit ang nararapat. Tapat at tahimik siyang naglingkod at naghanap ng maaaring mabuting magawa at maiambag para sa mga maliliit at maralita.

At ganu’n na lang ang gulat ng marami sa kanyang pagtanggap sa kakaibang papel na iniaalok sa kanya ng pangulo. “Oo tatanggapin ko, matigil lang ang patayan. Oo, magiging masigasig ako sa pagtugon sa problema ng droga at hihingin kong maging bahagi ng solusyon ang sinuman at anumang grupong nais tumulong.”

At ilang araw pa lang nang tanggapin ni VP Leni ang alok na pamunuan niya ang Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) ay nagsimula na ang pangmamaliit. Subalit, malinaw kay VP Leni kung ano ang kanyang gagawin.

Hindi maliit ang pananalig ni VP Leni sa Diyos, hindi siya nabalisa mula simula hanggang ngayon. Patuloy ang kanyang paglilingkod, tahimik lang, pero matatag ang pagsunod nito sa kalooban ng Diyos. Handa siyang maging instrumento ng katotohanan, katarungan, kapayapaan at kalayaan ng Diyos.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page